Sa mapayapa na barangay ng Central, Tarragona, Davao Oriental, nakatira si Leonie C. Bangcayaon kasama ang kanyang asawa at limang anak. Isang panday si Leonie, at ang kanyang asawa naman ay isang housekeeper. Sa kabila ng kanilang pagsisikap, hindi naging madali ang kanilang buhay. Ang kita ni Leonie bilang panday ay hindi palagian—nag-aantay lamang siya ng oportunidad na magtrabaho kapag may proyekto sa kanilang lugar. Samantala, ang kanyang asawa ay nananatili sa bahay upang alagaan ang kanilang mga anak. “Lisod kaayo among kahimtang kay wala kaayo mi tarong nga trabaho og naa pa pud mi lima ka estudyante,” ani Leonie, inilarawan ang bigat ng kanilang kalagayan.
Isang araw, habang nagbabasa ng social media, napansin ni Leonie ang mga post tungkol sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD. Noong una, hindi niya ito masyadong pinansin, ngunit isang pagbisita ng DSWD sa kanilang purok ang nagbukas ng oportunidad para sa kanilang pamilya. Agad siyang nagpatala at sumailalim sa proseso ng pagpili at pag-validate ng kanilang proyekto. Muling nabuhay ang kanilang pag-asa nang malaman na sila ay isa sa mga mapalad na benepisyaryo.
Matapos ang masusing pag-aaral, napagdesisyunan nilang mag-asawa na muling buhayin ang negosyo ng kanyang asawa sa pagbebenta ng pagkain. Dati nang namimili ang kanyang asawa sa canteen ng paaralan bago nagka-pandemya, ngunit natigil ito dahil sa kawalan ng kapital. Sa tulong ng SLP, natanggap nila ang Php 10,000 grant noong Disyembre 2023. Ginamit nila ang pondo upang makabili ng mga kagamitan at sangkap para sa kanilang bagong simula sa food vending o ang paggawa ng mga kakanin.
Dahil sa kanilang pagsusumikap, mabilis na nakilala ang kanilang produkto, lalo na ang kanilang binangkal—isang paboritong meryenda ng mga estudyante at residente sa kanilang lugar. Hindi nagtagal, umabot na sa Php 15,000 ang kita ng kanilang negosyo kada buwan. Ang dating pangarap lamang ay unti-unti nang nagiging realidad.
Ngayon, hindi na lamang pang-araw-araw na gastusin ang kanilang iniisip. Nagsimula na rin silang mag-ipon ng Php 2,000 bawat buwan para sa emergency fund ng pamilya at bilang paghahanda sa kanilang planong magtayo ng babuyan. Sa bawat hakbang na kanilang ginagawa, naroon ang gabay ng mga tauhan ng DSWD na patuloy na nagmomonitor at nagbibigay ng payo upang mas mapalago ang kanilang negosyo.
“Dako kaayo og kabag-ohan labi na kay naa napud mi extra income… naa napud mi pang sostento sa pag-eskwela sa among mga anak,” pahayag ni Leonie. Ang dating walang kasiguraduhan ay napalitan ng bagong pag-asa at kumpiyansa para sa mas maliwanag na kinabukasan.
Para kay Leonie, ang tagumpay ay hindi lamang dahil sa tulong pinansyal na kanilang natanggap kundi dahil din sa kanilang sipag, tiyaga, at disiplina. “Daghan kaayong salamat sa DSWD labi na sa SLP kay gitagaan mi og tyansa nga mahimong usa ka beneficiary,” ani niya.
Ang kwento ni Leonie at ng kanyang pamilya ay isang patunay na sa tulong ng tamang programa at sa pagsusumikap, ang hirap ng kahapon ay maaaring maging inspirasyon sa tagumpay ng kinabukasan. Sa bawat binangkal na kanilang naibebenta, naroon ang pagmamalaki at kasiyahan na dulot ng pagkakataong muling bumangon at umasenso.