DALAWANG DEKADANG SERBISYO SA LAHING PILIPINO | Sa pangunguna ng mga kawani ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI sa ilalim ng programang Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS), binisita nila ang mga pilot subprojects sa bayan ng Santo Tomas, Davao del Norte, partikular sa Brgy. Magwawa at Tulalian upang magsagawa ng monitoring at evaluation, kasabay ng pagdiriwang ng ika-dalawampung (20) taon ng matagumpay na implementasyon ng mga nasabing proyekto.

Kasama si Lani E. Cudino, dating field worker sa Santo Tomas, Davao del Norte noong 2003 at kasalukuyang pinuno ng Social Pension Program Management Unit ng DSWD FO XI, binisita ng grupo ang Magwawa Corn Mill at Tulalian Water Association para kamustahin at ma-document ang ika-20 taong operasyon nito.

Hindi maipagkakaila ang kasiyahan ni Lani nang makita ang mga dating community volunteers na kasama niya noong simulan ang proyekto sa Brgy. Magwawa. Masigla at taos-puso ang pagtanggap sa kanya at sa buong grupo mula sa mga miyembro ng Magwawa Corn Mill.

Ayon kay Lani, literal na hindi madali ang kanilang pinagdaanan noong simulan ang nasabing proyekto dahil masukal pa at hindi sementado ang daan patungo sa komunidad.

Muadto mi diri sa una magmotor rami kanang naay tarima sa kilid unya daot kaayo ning mga dalana. Puros pagyud ni bato diha sa unahan unya ug naay part ani nga kalsada nga di gyud madalag baktas kung mag-ulan kay puros lapok,” (Tuwing pumupunta kami dito noon, sumasakay lang kami ng motor. May bahagi rin ng daan na puno ng bato, at may mga lugar na hindi pwedeng lakarin lalo na kapag umuulan dahil puno ng putik), kuwento ni Lani.

Samantala, ang dalawang orihinal na water reservoirs sa Brgy. Tulalian na itinayo noong 2004 ay nadagdagan at napaunlad na ng Tulalian Water Association, na ngayon ay pangunahing pinagkukunan ng inuming tubig sa mga tahanan sa nasabing barangay.

Nagpapasalamat si Kapitan Jeronimo B. Gumanid Sr. ng Brgy. Tulalian para sa patuloy na pagbuhos ng mga proyekto ng DSWD sa kanilang lugar, lalo na ang KALAHI-CIDSS.

Dako ang pasalamat sa tibuok Brgy. Tulalian tungod sa proyekto sa DSWD labi na sa KALAHI-CIDSS kay nakadala gyud ug tabang sa katawhan labi na ang patubig ug ang bago nga ginaconstruct karon nga health center. Kami andam gihapon mudawat ug mga bagong proyekto kung naa paman ibutang diri sa among barangay,” (Malaki ang pasasalamat ng buong Brgy. Tulalian sa DSWD, lalo na sa KALAHI-CIDSS, sapagkat nakatulong talaga ito sa mga tao, lalo na ang programang pa-tubig at itong bagong health center na mula sa KALAHI-CIDSS. Kami ay bukas pa rin sa anumang proyektong ibibigay sa aming barangay), ani Kapitan Gumanid.

Sa loob ng dalawampung (20) taon, malayo na ang narating ng mga proyektong hatid ng KALAHI-CIDSS sa mga komunidad, at marami nang mga buhay ang natulungan. Sa harap ng mga bagong hamon na dala ng nagbabagong mundo at panahon, patuloy na mag-aadapt ang mga programa ng KALAHI-CIDSS upang maibigay ang inaasam na programang pangkomunidad. (DSWD FO XI/EMCJr.) 

#MagKALAHITayoPilipinas

#AngelsinRedVest

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD