Salaysay ng Buhay ng Pamilyang Padasay mula Matanao, Davao del Sur na hinirang bilang Regional and National Winner ng Search for the Huwarang Pantawid Pamilya:

Ako po si Mellani C. Padasay, 48 taong gulang at nakatira sa Purok 2, Barangay New Murcia, Matanao, Davao del Sur. Bago ako naging benepisyaryo ng Pantawid, naging isang Barangay Health Worker, Manikurista, at Masahista sa aming lugar. Subalit hindi parin ito sapat para matustusan ko ang pangangailangan ng aking pamilya. Kaya noong taong 2015, maging isang benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps.

Kahit na may hanapbuhay kami noon, hindi parin ito sapat para sa aming pamilya. Hinding-hindi ko makakalimutan ang isang pangyayari nung hindi pinasakay ng drayber ang aking anak dahil sa hindi kami nakabayad sa pedicab na naghahatid-sundo sa aking anak. Bumalik ang aking anak sa bahay at sinabi niya, “Ma, exam ko po ngayon, mala-late na po ako.”Isa iyon sa pinakamasakit sa akin dahil wala kaming maibigay na kahit pampamasahe lang. Dumating din kami sa punto na dahil sa wala kaming pambili ng gatas, ang pinainom ko sa aking mga anak ay ang pinakuluang tubig galing sa sinaing na bigas at nilagyan ng kunting asukal. May pagkakataon din noon na pag may sobrang kanin sa bahay, hinuhugasan namin para isaing ulit. 

May ginawang survey dito sa amin at isa kami sa mga napili na maging benepisyaryo ng 4Ps kasi nakita nila na ang pamilya ko ay nangangailangan ng tulong mula sa gobyerno. Simula nung naging benepisyaryo kami ng 4Ps, unti-unting gumaan ang aming pamumuhay. Nakakabili na kami ng mga school supplies at nasagot namin ang iba pang bayarin sa paaralan at pati yung pangkain namin sa araw-araw. Hindi na rin problema kapag nagkasakit ang isa sa aking mga anak, kasi dati yung hindi pa kami benepisyaryo ng programang ito,akot kaming magpa-ospital dahil wala kaming pambayad. Pero ngayon sa tuwing nagkakasakit kami, hindi na kami takot na magpa-ospital dahil sa tulong ng 4Ps at PhilHealth. Laking tuwa ko dahil may suporta kaming natatanggap para punan ang mga pangangailangan ng aming pamilya. Isa rin ako sa mapalad na naging Parent Leader sa aming lugar. Laking pasasalamat ko dahil sa pagiging isang Parent Leader, nakadalo ako sa mga trainings at seminar na naging inspirasyon at gabay ko bilang isang miyembro ng 4Ps. Naging Enumerator din ako ng Listahanan 2 at 3. Ang kita ko sa pagiging isang enumerator ay ginamit ko sa pag-aaral ng aking mga anak at sa pagpapa-ayos ng aming maliit na tahanan na nasira ng dahil sa sunod-sunod na pag lindol sa aming lugar.

Nabigyan rin ako ng livelihood assistance sa tulong ng 4Ps at binili ko ito ng kambing, at sa kasamaang palad, namatay ito ng dahil sa ASF. Sa kasalukuyan, isa akong core leader ng Samahan ng Nagkakaisang Pamilya ng Pantawid (SNPP). Layunin ng SNPP ay makatulong sa lahat ng benepisyaryo ng Pantawid Program.

Ang aking panganay na anak na siyang unang benepisyaro sa aming pamilya ay nakapagtapos na Cum Laude sa kursong Bachelor of Physical Education major in School PE at ngayon ay nagtuturo sa isang pribadong paaralan sa Lungsod ng Dabaw. Ang aking pangalawang anak naman ay kasalukuyang kumukuha ng kursong Mechanical Engineering at isa rin siyang estudyante ng TESDA. Habang ang aking pangatlong anak naman ay kukuha ng kursong Criminal Justice Education/Criminology dahil hindi siya nakapasa sa Philippine Military Academy. At ang bunsong anak naman ay kasalukuyang nasa ika-limang baitang pa lamang sa elementarya.

Laking pasasalamat ko sa aking mga anak dahil kahit gaano kahirap ang aming buhay noon, nagsumikap talaga sila na mag-aral. Naging consistent honor students ang aking mga anak. Nang dahil sa grant para sa edukasyon, on time na silang nakakapasa ng projects, nakakasali na din sila sa mga aktibidades sa paaralan dahil may pang gastos na kami pambili ng costumes at props. Nakapagtapos bilang valedictorian ang aking panganay na anak noong elementarya. Nakakuha naman ng mga matataas na parangal sa eskwelahan ang pangalawa at pangatlo kong anak. Sa katunayan nga, ang aking pangatlong anak ay nagawaran bilang Exemplary Child of Pantawid Pamilya noong taong 2016. Ang bunsong anak ko naman ay consistent honor student din. Laking tuwa ko sa tuwing uuwi ang aking mga anak na may dalang magandang balita tulad ng, “Ma, honor na naman po ako.”

Pagtungtong naman ng aking panganay sa kolehiyo, sa tulong at suporta ng mga nakapalibot sa amin, nakapagtapos ang aking panganay bilang Cum Laude. Naging posible ito dahil sa mga scholarship na natanggap ng aking panganay na anak. Nasali ang aking anak sa mga priority lists ng mga scholarships dahil isa kaming benepisyaryo ng 4Ps. Naging iskolar ang aking anak ng Tulong Dunong Program ng Commission on Higher Education o CHED. Pagdating naman ng 5th Year College ng aking panganay na anak, nakatanggap siya ng Tertiary Education Subsidy (TES) scholarship. Kaya malaki ang pasasalamat namin sa 4Ps, DSWD, at CHED sa napakalaking tulong na naibahagi nila sa pag-aaral ng aking panganay na anak.

Bilang pasasalamat ko sa programang 4Ps, ako ay aktibong katekista sa paaralan ng aking bunsong anak at ako ay nagsisikap na makahanap ng mga isponsor para sa feeding program ng paaralan at nagsusumikap din ako na makatulong sa mga kapos na pamilya na hindi napabilang sa 4Ps.

Talagang masasabi kong Huwarang Pamilya kami dahil nagsisilbi kaming inspirasyon sa ibang pamilya sa kabila ng mga pagsubok na aming pinagdaanan, nanatili kaming matatag. Hindi naging rason ang kahirapan para mapabayaan nila ang kanilang pag-aaral, subalit ginawa nila itong inspirasyon na pagbutihin talaga nila ang kanilang pag-aaral.

Sa ngayon, ang aming pamilya ay nagtutulungan para sa patuloy naming pagbangon sa kahirapan. Taos puso po kaming nagpapasalamat sa programang Pantawid Pamilya ng DSWD.

Ang Pamilya Padasay ay hinirang na Regional Winner at otomatikong National Winner sa 2023 Search for the Huwarang Pantawid Pamilya na isinagawa ng DSWD Field Office XI – Davao Region. Ang Search na ito ay nagbibigay ng pagkilala sa mga pamilyang benepisyaryo ng 4Ps na nagpapakita ng matatag na samahan, isinasabuhay ang mga adbokasiya ng programa, at aktibong nakikilahok sa kani-kanilang komunidad.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD