“Matibay na Haligi ng Tahanan”
Ang pagmamahal ng isang ama ay walang kapantay. Hindi nila alintana ang pagod, at pananakit ng katawan, mabigyan lang tayo ng magandang buhay at makapag aral.
Ako si Josepino Combas, isang tatay at ito ang aking Kwento.
Pinanganak at lumaki sa Brgy Carmen, Boston, Davao Oriental. Dito ko na rin nakilala ang aking maybahay at nabiyayaan nga kami ng anim (6) na mga anak na sina Rayan, Russell, Ranilyn, Raynila, Rafael at Raiken. At kahit na nga medyo malaki kami na pamilya, namumuhay kami ng simple pero masaya. Ang buhay namin ay nakakaraos naman sa pangaraw-araw na pangangailangan at natutustusan naman ang pag aaral ng mga bata. Ito na ang naging buhay namin nang nalagpasan namin ang kahirapan bago kami nagpakasal ng aking asawa. Dahil noon ay talbos lang ng kamote ang kinakain namin mula sa aking hanapbuhay na pagmiminero. Lahat nga ng iyon ay lumipas at kami ay nakaahon na kung saan natataguyod na nga namin ang aming buhay ng maayos.
Ang sumunod na hanap buhay ko ay pagtatanim ng palay, saging at niyog sa maliit naming lupa dito sa Boston. Kung wala namang trabaho sa sakahan, dumidiskarte naman ako sa ibang sakahan sa karatig bayan sa Cateel, Davao Oriental. Nakapag-ipon kami kahit papano, kahit na mura ang bili ng palay at ibang produkto. Mula sa kita nakabili kami ng dalawang units ng thresher machines at dalawang unit ng turtle power tiller machines upang magamit namin sa palayan. Makakatipid kasi kami nito sa pagrerenta ng mga naturang makinarya. Kalahati ng naiwan na mga palay, ibinibenta namin upang pangtustus sa pag-aaral ng aking anim na mga anak. Ang ibang ipon naman ay ginagastos sa pang-araw araw na kakainin sa pamilya.
Nakakaraos dahil nagsisikap at nagtitiyaga, walang humpay na kayod para mabuhay. Ngunit, may mga unos na dumarating talaga sa ating buhay. Kagaya na lang sa kahirapan na naidulot ng sakuna ng Bagyong Pablo. Nanalasa ito sa aming bayan kung saan nasira lahat ng aming kabuhayan. Lahat ng pinagpaguran ko ay nawala na lang parang bula. Sa tulong ng pamahalaan at sa pagtutulungan naming magkakapamilya, nagsumikap kaming makatayo ulit. Ngunit hindi ito naging madali. Doble ang kayod ko sa pagtatrabaho para lang hindi mahinto sa pag-aaral ang aking mga anak. Tatlo na sa anim na mga anak ko sa panahon na iyon ang nasa kolehiyo, kaya kahit anong trabaho lahat pinapatos ko na kahit pa sa ibang bayan pa ang mga ito. Iniisip ko ng mga panahon na iyon na hindi ko hahayaan na maranasan ng mga anak ko ang kahirapan na dinanas ko sa paglaki.
Sa aming pagbangon, upang madagdagan naman ang aking kita, sa muli ay nagtanim ulit ako. Nagtanim ako ng niyog at saging, kung saan, sama-sama kami ng aking mga anak sa pagtatanim. Nagtutulungan kami upang maibalik uli ang sigla ng aming sakahan. At nakapagtanim na nga kami ulit ng palay.
Pagdating ng taong 2011, nakasali kami sa validation ng NHTS-PR o Listahanan. At dahil nun, naging benepisyaryo na nga kami ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Napakalaking tulong sa akin at ng aking pamilya ang lahat ng benepisyo mula sa programa. Una na dito ang pinansyal na tulong dahil nagagamit namin ito sa pangangailangan ng mga bata lalong lalo na sa pag-aaral nila. Nabibili ko ang mga kailangan nila sa eskwela, gayundin ang mga gusto nilang pagkain kasali na ang bitamina.
Ngunit di sa lahat ng oras ay nagiging maayos na ang lahat. May dumarating talaga na mga pagsubok paulit ulit. Tulad na lang nang magkasakit kami magpamilya at kinailangan pa na maospital. Ngunit, sa lahat ng tulong at pananampalataya sa Diyos, nalagpasan din naman namin ang paghihirap na dulot nito.
Dagdag pa sa mga tulong na nakukuha namin bilang benepisyaryo ng 4Ps, nabigyan din kami ng pagkakataon na maging benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program Association (SLPA). Naging negosyo namin ng aking mga kasamahan ay ang PesoNet.
Maliban pa sa kabuhayan, andiyan din ang tulong ng scholarships dahil sa 4Ps. Ang anak ko na si Ryan ay naging benepisyaryo ng SMAW kaya nakakuha siya ng NC II at ito ay nagamit niya upang makapag-apply ng trabaho sa Olongapo. Nang matapos ang kanyang kontrata, umuwi at nagtayo siya ng sariling welding shop. Nakakatulong ng malaki ang kita niya dito sa aming pamilya. Si Raynilla naman ay naging iskolar sa SGPPA at si Raiken ay iskolar bilang IP member. Ang mga oportunidad na ito at biyaya ay malaking tulong sa pagtatapos nila ng pag-aaral at sa pagkamit nila ng mataas na antas ng kakayahan. Sina Raynilla at Raiken ay nakapagpatuloy nga sa kolehiyo dahil sa mga scholarships nila. Kumuha si Raiken ng BS Criminology at si Raynilla naman ay kumuha ng BS Computer Science sa DOSCST. At ang iba ko pa na mga anak ay nag-aaral sa kolehiyo sa kursong BEED sa Mati City. Dahil nga mahirap magpaaral sa kolehiyo ang iba ko na anak ay nagtatrabaho bilang working student sa kantina ng paaralan nila bilang budget officers.
Naging malaking tulong din ang iba’t ibang interbensyon ng magkakaibang opisina na partners ng 4Ps, tulad na lang ng mga training na nasasalihan namin. Upang madagdagan nga ang antas ng aming kakayahan, kami ay nakasali sa chili production training at nabigyan pa ng starter kits. Nakasali din kami ng Budding of Cacao Training ng Department of Agriculture kung saan magagamit ko talaga ang lahat ng natutunan ko sa aming sakahan.
Sa napakaraming tulong at oportunidad na aming natanggap mula sa pamahalaan lalong lalo na sa 4Ps, naging pagkakataon din ito sa amin na kami naman ang tumulong sa ating kapwa at sa komunidad. Dahil nahasa na nga ang aking mga kakayahan at nalinang ang aking pagiging lider, naging aktibo ako sa Boston Mandaya Tribe bilang Treasurer sa loob ng labing dalawang taon. Isa rin akong Board Member sa Uswag Carmen Association/NIA. Lay minister naman ako sa Virgin Del Carmen Ministry. At isa din akong barangay tanod president sa loob ng siyam na taon. Sa naging mga katungkulan ko, mangilan ngilan na rin ang aking mga nasalihang pagtitipon, aktibidad at kinatawanang training at seminars.
Iilan dito ang pagiging aktibo ko sa training ng Department of Agrarian Reform sa usapin ng BARC Training sa aming barangay, 2-day strengthening Seminar sa lahat ng Barangay Tanod ng BLGU, Training ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, pati na rin ang training bilang community responder and rescuer. Andiyan din ang training namin sa PDRRMO na mountain search and rescue. Nakasali din ako sa oryentasyon ng katungkulan at papel ng barangay peacekeeping action team (BPAT). Pinalago din ang kaalaman ko sa pagsasaka ng training ng restoring agricultural livelihood sa typhoon-affected agrarian reform communities ng Davao Oriental kasama ang iba’t ibang opisina na nakapokus sa organic fertilizer, repellant at vermi-composting. Iilan lang ito sa napakaraming nasalihan ko na pagsasanay na humasa sa lahat ng aking kaalaman, kakayahan at karakter sa buhay.
May kasabihan nga na, “Sa likod ng maitim na ulap ay may liwanag.” Katagang totoo sa aming buhay, dahil sa akala naming wala nang pag-asa pagkatapos kaming hinagupit ng Bagyong Pablo, ay may liwanag na darating at makakabangon din talaga. Kaya napakahalaga na buhay kaming magpamilya kahit na mawala pa ang mga materyal na bagay.
Sa pagbangon ng aking pamilya, sa ngayon, masasabi ko na guminhawa na ang buhay namin dahil ang anak ko na si Ranilyn at si Raiken ay ganap nang police officers, samantalang ang anak ko na si Rafael ay ganap nang Public School teacher, at si Russel naman ay nagtatrabaho bilang purchaser sa Jerose Marketing.
Naging maunlad na ang kabuhayan ng aking mga anak, at ako naman ay napili bilang tribal IP Chieftain/IPMR sa aming barangay na ang pangunahing adbokasiya ay protektahan ang Mandaya tribe at ang right of ancestral domain, isang tungkulin na mahalaga para sa aming mga IPs. Sa aking pagiging lider, pinamamahalaan ko ang mga hakbangin ng aking kapwa Mandaya sa pagpoprotekta ng aming mga lupain. Patuloy ko silang binibigyan ng kaalaman patungkol IPRA Law, at nagiging kintawan ako sa maraming pagtitipon kung saan bitbit ko ang boses ng mga Mandaya at ang aming mga karapatan bilang IPs.
Bilang IP Leader, isa ako sa naging aktibong katuwang naman ng DSWD Kalahi-CIDSS NCDDP sa aming lugar, kung saan tumulong ako sa implementasyon ng workshops bilang volunteer. Aktibo din ako sa pagtitipon ng National Commission on Indigenous People bilang ako ang IPMR ng barangay.
Sa lahat ng aming pinagdaanang pagsubok, naging matagumpay na nga kami na makamit ang iilan sa aming mga pangarap. At hindi ito magiging posible kung wala ang DSWD at 4Ps. Abot langit ang pagpapasalamat ko sa pamahalaan at lalong lalo na sa aking pamilya na katuwang ko sa hirap at ginhawa.
Tunay nga na walang imposible kung tayo ay magsisikap at patuloy na nananalig sa Diyos. Sa ganitong pag-iisip, tiyak na makakamit natin ang anumang mithiin sa buhay.
Nawa’y mapulutan ng aral ang aking kwento at magsilbi itong inspirasyon sa bawat Pilipino kung saan maging bukas sila sa pagtulong sa kanilang kapwa na nangangailangan. Kahit na tayo ay salat sa pinansyal o materyal na mga bagay, tiyak mayaman naman tayo sa pagmamahal at kabutihan dahil sa pagbibigay natin ng taos pusong tulong sa iba.
Ang kwento ko bilang isang ama ay isa lamang patunay na sa anumang bagay at pagsubok, tunay na mananaig ang kapangyarihan ng pagmamahal, lalong lalo na sa pagmamahal natin sa ating mga anak. Dahil ito ang magbibigay lakas sa atin upang mapagtagumpayan ang mga pangarap ng pamilya. Gayundin sa pag-angat ng antas ng kakayahan ng bawat miyembro ng pamilya.
Ako si Josepino Combas, isang ama na sinubok man ng panahon, nanatiling matibay bilang isang haligi ng tahanan. Hinding hindi susuko para sa magandang kinabukasan sa mga mahal ko sa buhay at lalong lalo na sa ating pamayanan.