Mula sa pagsasaka ng mais at niyog, at sa tulong ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, nagtapos sa kursong Bachelor in Secondary Education with Specialization in Physics sa Philippine Normal University-Mindanao si Jean Bobiles Barug. At sa kamakailan nga na ginanap na Licensure Examination for Professional Teachers, naipasa ito ni Jean at naging Top 7 pa.

Sa pag-ani ni Jean ng markang 91.60%, top 7 nga siya mula sa 48,005 secondary teachers na pumasa base sa March 2023 LET Results. Isang tagumpay na ipinagpapasalamat ni Jean sa kanyang mga magulang, mga kapatid, mga guro, paaralan, mga kaibigan at pati na rin sa pamahalaan.

Nakatira sa Barangay IL Papa, Laak, Davao de Oro ang pamilyang Barug, May kalayuan ito sa sentro o sa mismong kabihasnan, kaya naman pagsasaka ang pangunahing ikinabubuhay ng mga tagarito, kagaya ng nasabing pamilya. Mais at niyog ang pangunahing pananim ang sinasaka ng mga magulang ni Jean. Apat sila na magkakapatid, at siya ay pangatlo.

Dahil nga sa kakaramput na kita mula sa pagsasaka, anu-ano na lamang na diskarte ang ginagawa ng nanay ni Jean, para lang matustusan ang kanilang pamilya. Kahit na sa mga halamang ugat may makain man lang sila. Ngunit, sa pagdating ng taong 2009, isa nga sila sa mga napiling 4Ps Household Beneficiaries ng programa.

Natutukan at natustusan na ang mga pangangailangan ng mga magkakapatid lalong lalo na sa kanilang pag-aaral, pagkain at pananamit. Naging Parent Leader naman ang nanay ni Jean dahil aktibong aktibo ito sa programa.

Sa pagdaan ng taon, nakatapos hanggang kolehiyo ang dalawang ate ni Jean at parehong pumasa pa ito sa LET. Kaya naman iyon ang maituturing tunay na tagumpay na naabot ng pamilya. Dito naging inspirasyon ni Jean na magaya sa kanyang mga kapatid. Nangarap na din siya na maging guro.

Dahil nga may cash assistance naman sa elementarya hanggang sekundarya, naging matiwasay ang pag-aaral nilang magkakapatid. Natutukan din nila ang kanilang grades kaya achiever din sila sa academics nila.

Sa pagdating naman sa kolehiyo, dahil na rin sa pagiging benepisyaryo, naging susi ito upang makakuha ng iba’t ibang scholarship sila na magkakapatid. Si Jean ay nakakuha ng Tulong Dunong Program Scholarship (TDP) mula sa CHED. Prayoridad kasi ng nasabing tanggapan at iskolarsyip ang mga benepisyaryo ng 4Ps. Kaya naman natapos din ng matiwasay ni Jean ang kanyang kurso.

Ngunit, di naging tuloy-tuloy ang kasiyahan, dahil bago pa man ang paghahanda ni Jean para sa LET, namatay ang ina niya, taong 2021. Hindi naman nagpanghina ang loob ni Jean dahil alam niya na isa sa mga pangarap ng nanay niya na magtagumpay din siya sa larangang tatahakin.

Nagkaroon ng pagkakataon si Jean na makapagreview sa tulong ng ama niya mula sa kita ng pagsasaka at sa mga kapatid na mga guro na. Kaya nakakuha na nga ng LET exam si Jean. Sa mga panahong iyon, pokus lamang siya sa pag-aaral. Naging mindset niya na maging kalmado lang upang masagutan ng maayos ang mga tanong ng exam.

Hindi inakala ni Jean na hindi lang siya basta-basta papasa, kundi naging Top 7 pa siya. Sabi pa ng mga guro at kaibigan niya, kaya siguro hindi siya naging Cum Laude ay dahil mas nakakatuwa ang resulta mula sa LET dahil magiging topnotcher nga siya nito. Hindi rin lubos maisip ni Jean na nagkatutuo lahat ng panaginip niya sa kanyang nanay na nagsasabi na magiging Top 7 nga siya ng LET.

“Unang una ko na pasasalamatan ay ang Panginoon dahil binigyan niya ako ng pagkakataong makapagreview, napapalibutan ako ng mga taong sumusuporta sa akin tulad ng aking mga magulang at lalong lalo na ang malaking tulong ng pamahalaan. Napakalaking tulong talaga ng Pantawid Pamilya (4Ps) sa pamilya namin. Sa katunayan, pangatlo na akong nakapagtapos ng kolehiyo at pumasa bilang guro sa aming apat (4) na magkakapatid. Graduated na kami last year sa 4Ps. Mula sa pagsasaka at diskarte ng aking mga magulang hanggang sa pagsisikap din namin na makatulong sa pag-ahon namin sa kahirapan gayundin ang 4Ps sa lahat nitong benepisyo, naging posible ang lahat,” mensahe mula kay Jean Barug.###