Tulad ng mga mayayabong at nagluluntiang palayan sa bayan ng Tulad ng mayabong at luntiang mga palayan sa Banaybanay, Davao Oriental, gayundin kasagana ang bunga ng pagsusumikap ng isang Kabataang 4Ps mula sa Purok San Isidro, Brgy. Mogbongcogon. Siya si Abby Jane G. Amisola, 22 anyos.
Bata pa lamang si Abby Jane, naipakita na niya ang kanyang kasipagan at malawak na pananaw sa buhay. Sa kabila ng mga pagsubok na hinarap ng kanilang pamilya, hindi niya kailanman itinuring na hadlang ang mga ito sa kanyang pag-aaral. Bagkus, ito pa ang nagpatibay sa kanya na magpatuloy.
Isang malaking inspirasyon at motibasyon ang pagiging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) para kay Abby Jane. Sa tulong nito, mas pinag-igihan niya ang kanyang pag-aaral hanggang sa matagumpay na matapos ang kursong Bachelor of Science in Social Work. Hindi lamang simpleng pagtatapos ang nakamit niya, kundi pinarangalan siya bilang Summa Cum Laude—isang patunay ng kanyang dedikasyon at pagsisikap.
Ang tagumpay na ito ay nagdala ng bagong simula hindi lamang para kay Abby Jane kundi pati na rin sa kanyang pamilya.
“Bilang isang benepisyaryo ng 4Ps na nakapagtapos ng pag-aaral, naniniwala akong ito ang magbubukas ng maraming oportunidad, lalo na sa paghahanap ng trabaho. Sa edukasyon at determinasyon, may kakayahan tayong baguhin ang ating kapalaran at magbigay ng inspirasyon sa iba pang benepisyaryo upang mangarap at magsikap para sa mas magandang kinabukasan,” pagbabahagi ni Abby Jane.
Tulad ng marami pang kabataan sa ilalim ng 4Ps, malaki ang naging tulong ng programa sa kanyang pag-ahon mula sa kahirapan at pagkamit ng kanyang mga pangarap. Dahil dito, ang pangarap niya ay hindi lamang para sa kanyang sarili kundi para rin sa iba—kaya’t pinili niyang maging isang social worker.
Si Abby Jane ay isa lamang sa maraming Kabataang 4Ps na napagtanto ang kahalagahan ng edukasyon, hindi lamang para sa personal na pag-unlad kundi para rin sa ikauunlad ng komunidad. Ipinapakita ng kanyang kwento na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay higit pa sa pagbibigay ng pinansyal na suporta; ito ay nagbibigay ng pag-asa, inspirasyon, at pagkakataon para sa mas maliwanag na kinabukasan.
“Para sa mga kabataang nangangarap, huwag kayong mawawalan ng pag-asa. Bagamat puno ng pagsubok ang buhay, tandaan na nasa ating mga kamay ang pagbangon at pag-abot sa ating mga pangarap. Ang aking mensahe sa mga magulang ay panatilihin ang suporta sa inyong mga anak, dahil kayo ang aming lakas at gabay. Tandaan, ‘Keep pushing forward, and let your dreams be the guiding light that leads you to success,’” ani Abby Jane.
Tunay na ang tagumpay ay hindi nasusukat sa yaman kundi sa paglago ng karakter at sa tagumpay na nakamit para sa ikauunlad ng buong komunidad.
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD