Isang matagumpay na Capacity Building Training na may temang “Strengthening of Knowledge and Capacity for Effective SLP Implementation” ang isinagawa ng Department of Social Welfare and Development Field Office XI, sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program (SLP), noong Hunyo 18, 2025 sa Green Room, SP Building, San Pedro Street, Davao City. 

Sa pangunguna ng SLP Davao City team, ang pagsasanay ay nilahukan ng 41 benepisyaryo mula sa iba’t ibang bahagi ng ikalawang distrito ng lungsod, kabilang ang mga kinatawan mula sa 10 SLP Associations (SLPAs) at tatlong indibidwal na benepisyaryo na nagmula sa mga barangay ng Mandug, Tigatto, Lasang, Bunawan, Tibungco, Panacan, Ubalde, at Leon Garcia.

Layunin ng pagsasanay na mapalawak at palalimin ang kaalaman at kakayahan ng mga kalahok upang mas maging epektibo at mas maging matatag nilang maipatupad ang kani-kanilang mga proyektong pangkabuhayan.

Ilan sa mga pangunahing paksang tinalakay sa buong araw na pagsasanay ay ang paglinang ng entrepreneurial mindset, tamang paghawak ng pananalapi o financial literacy, basic bookkeeping o pagtatala ng mga gastusin at kita, pagtaguyod ng gender equality, at conflict management upang makabuo ng mapayapang samahan sa pagpapatakbo ng negosyo.

Naging mas makabuluhan ang aktibidad sa tulong ng mga piling tagapagsalita na nagbahagi ng kanilang kaalaman at karanasan sa kani-kanilang larangan. Kabilang dito sina Ms. Kimberly Mahinay, Senior Business Counselor ng DTI XI; Ms. Bethany Jane J. Mojica, Business Counselor mula sa DTI–Negosyo Center Toril; Ms. Flordeliz B. Canada, Livelihood Focal Person ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO); at Ms. Aubrey J. Relacion, Women Section Focal Person ng CSWDO.

Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, muling pinagtibay ng SLP ang mandato nito sa pagbibigay ng pantay at pangmatagalang oportunidad sa kabuhayan para sa mas maraming Pilipino.