Umabot sa kabuuang ₱1,563,250 ang naipamahaging tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI sa 461 estudyante mula sa Davao del Norte State College, Panabo City sa ilalim ng Cash-for-Work Program para sa Higher Education Institutions (HEI) ng Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan – Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS)

Ipinamahagi ang ayuda noong Hunyo 19, 2025, kung saan 422 estudyante ang nakatanggap ng ₱240.50 kada araw kapalit ng apat na oras ng serbisyo sa loob ng 25 araw, katumbas ng ₱6,012.50 bawat isa. Samantala, 39 graduate naman ang tumanggap ng ₱481.00 kada araw para sa walong oras na trabaho sa parehong tagal, na umabot sa ₱12,025.00 bawat isa.

Layunin ng programang ito na magbigay ng dagdag at panandaliang kita para sa mga kabataang nangangailangan ng tulong pinansyal, lalo na sa kanilang mga pang-araw-araw na gastusin sa pag-aaral at pamumuhay. Kasabay nito, hinihikayat ang kanilang aktibong pakikilahok sa mga gawaing pangkomunidad, gaya ng paglilinis, pagtatanim, at iba pang proyektong nakatuon sa kaunlaran ng barangay.

Layunin ng KALAHI-CIDSS na isulong ang community-driven development o pagpapaunlad na pinangungunahan mismo ng mga miyembro ng komunidad.

Sa pamamagitan ng ganitong mga programa, patuloy na tinutupad ng DSWD ang layuning mapalakas ang kakayahan ng mga kabataan at maitaguyod ang kanilang papel sa pagtataguyod ng mas matatag na pamayanan.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

#DSWDOnse

#MagKALAHITayoPilipinas