
Isang kwento ng tagumpay ang buhay ni Brince Arcena Mondejar, isang dating monitored child ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na nakatira sa Purok 9-A, Matina Pangi, Davao City.
Pangsampu si Brince sa labing-isang magkakapatid. Dahil sa laki ng kanilang pamilya at kakulangan sa kita, dumaranas sila ng matinding kahirapan sa araw-araw. Ang kanilang ama lamang, si Benjamin B. Mondejar, ang tanging naghahanapbuhay bilang machine operator sa isang pribadong kumpanya.
May mga pagkakataong nanghihingi na lamang sila ng gulay sa mga kapitbahay upang may maipang-ulam. Madalas ay umabot pa sa puntong hindi sila nakakakain sa loob ng isang araw dahil sa kawalan ng pambili ng bigas at pagkain.
Sa kabila ng lahat ng pagsubok, hindi nagpatinag si Brince. Sa halip, nagsumikap siyang humanap ng kahit anong mapagkakakitaan. Bata pa lamang siya ay natuto nang magbenta ng itlog at kahoy na panggatong habang siya ay nasa elementarya, upang makatulong sa pang-araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya.
Malaki ang pasasalamat niya sa pagiging bahagi ng 4Ps, dahil nakatulong ito sa kanilang pamilya sa pamamagitan ng dagdag na suporta para sa pagkain at pag-aaral.


Ngunit hindi dito natapos ang hamon sa buhay ni Brince. Sa kanyang pagpasok sa kolehiyo, kinailangan niyang maghanap ng scholarship upang mapagpatuloy ang kanyang edukasyon. Sa tulong ng Diyos, nakatanggap siya ng scholarship grant mula sa OFW Dependent Scholarship Program (ODSP), dahil sa kanyang nakatatandang kapatid na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Gayunpaman, hindi pa rin sapat ang scholarship upang matugunan ang lahat ng kanyang pangangailangan sa pag-aaral at sa pamilya. Kaya’t nagsumikap pa si Brince na humanap ng extra income. Nagtrabaho siya sa isang fast food chain at naging boluntaryong Responder ng 911 sa kanilang barangay.
Naging aktibo rin siya sa kanilang komunidad at paaralan, kung saan ipinamalas niya ang kanyang husay at malasakit bilang Pangulo ng Red Cross/Medics Club 3 at ng Marine Engineering Student Society.
Noong 2016, pumanaw ang kanyang ina. Sa kabila ng pagkalungkot, ginamit niya ito bilang inspirasyon upang lalo pang magsumikap at maabot ang pangarap nilang mag-ina—ang makatapos ng pag-aaral sa kursong Marine Engineering.
Ngayong 2025, nagdala ng karangalan si Brince sa kanyang pamilya matapos siyang magtapos bilang Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Marine Engineering mula sa Agro-Industrial Foundation Colleges of the Philippines, Inc. Bukod sa Latin honor, tumanggap din siya ng mga pagkilala tulad ng Leadership Award, Service Award, Efficiency Award, at Ambassador of the Year noong Hunyo 17, 2025.
Bilang inspirasyon, iniwan ni Brince ang mensaheng ito para sa mga kabataang tulad niya:
“Ayaw gyud mo ug undang sa pagkab-ot sa inyong mga damgo. Bisan pa man sa kalisod ug kapait sa kinabuhi, ampo lang kanunay sa Ginoo nga hatagan ta ug dalan nga makab-ot nato ang atong mga pangandoy. Sama sa programang 4Ps, gamita kini isip tulay padulong sa inyong kalampusan. Maningkamot gyud nga makahuman sa eskwela, kay ang edukasyon mao ang susi ug pultahan sa mas hayag nga kaugmaon. Hinumdumi, ang kalisod dili babag sa tawo nga adunay dakong pangandoy.”
(Huwag kayong tumigil sa pag-abot ng inyong mga pangarap. Kahit gaano pa kahirap at kapait ang buhay, patuloy lang na manalangin sa Panginoon na bigyan tayo ng daan upang makamit ang ating mga mithiin. Tulad ng programang 4Ps, gamitin ito bilang tulay patungo sa inyong tagumpay. Magsikap na makatapos sa pag-aaral, dahil ang edukasyon ang susi at pintuan sa mas maliwanag na kinabukasan. Tandaan, ang kahirapan ay hindi hadlang sa taong may malalaking pangarap.)
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD #DSWDSaOnse
