Sa Barangay Magatos, Asuncion, Davao del Norte, makatira si Josephine A. Silongan, isang 52 anyos na ilaw ng tahanan na patuloy na nagsusumikap para sa kinabukasan ng kanyang pamilya. Kasama ang kanyang kabiyak na si Eddie Silongan Sr., isang laborer, at kanilang tatlong anak, si Jenelyn, isang single mom na domestic helper sa Dubai; si Eddie Jr., isang hospital worker sa Davao City; at si Jonathan, isang construction worker sa Asuncion, itinaguyod ni Josephine ang buhay sa gitna ng kahirapan, pagsubok, at pag-asa.

Noon, ang tanging pinagkakakitaan ng mag-asawang Josephine ay ang paghornal ng kanyang asawa. Tuwing hapon, pagkatapos ng trabaho, nagtutulungan silang mag-asawa sa maliit na barbequehan sa harap ng kanilang bahay, ginanggang at isaw ang kanilang paninda. Lahat ng ito ay ginagawa nila upang masuportahan ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Sa hirap ng buhay, wala silang sinayang na pagkakataon para kumita.

Nang makatapos sa pag-aaral ang dalawa nilang anak, hindi pa rin nawala ang pagsubok. Sa tulong ng kanilang sipag at tiyaga, nakapagtayo sila ng isang maliit na sari-sari store noong Setyembre 2024, gamit ang naipon nilang ₱20,000. Ngunit isang biyayang hindi nila inaasahan ang dumating, ang Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD.

Isang araw, may dumaan na liaison officer sa kanilang tindahan at isinama ang pangalan ni Josephine sa listahan ng mga posibleng benepisyaryo. Mula roon, dumalo siya sa orientation na pinangunahan ng filed worker ng SLP, kung saan niya nalaman na may livelihood assistance para sa maliliit na negosyante tulad niya. At noong Disyembre 19, 2024, tinanggap ni Josephine ang tulong-pinansyal na nagkakahalaga ng Php 10,000.00 isang mahalagang puhunan na agad niyang ginamit upang dagdagan ang paninda sa kanilang tindahan, tulad ng bigas at mga pangunahing bilihin.

Dahil sa tulong ng SLP, lumago ang kanilang sari-sari store. Hindi na nila kailangang mangamba kung saan kukuha ng panggastos sa araw-araw. Ayon kay Josephine, “Dako kaayo ang kausaban sa among kinabuhi. Karon, dili na ko pareho sa una nga simple ra nga residente. Nakakat-on ko nga mahimong participative ug confident sa pakig-atubang sa mga tawo tungod sa mga orientation ug trainings nga gipaabot sa DSWD [Malaki talaga ang pagbabago sa aming buhay. Ngayon, hindi na ako katulad ng dati na isang simpleng residente lang. Natutunan kong maging aktibo at may kumpiyansa sa pakikiharap sa mga tao dahil sa mga orientation at training na ibinigay ng DSWD.]

Ngayon, umaabot sa ₱15,095 ang kanilang buwanang net income. Bagama’t may mga hamon pa rin, gaya ng inventory management at paghihiwalay ng personal at tindahan na gastos, nalampasan ito ni Josephine sa tulong ng payo mula sa kanilang PDO—bumili siya ng record book kung saan niya maayos na naitatala ang lahat ng transaksyon. Unti-unti rin niyang natutunan ang kahalagahan ng tamang bookkeeping, paghiwalay ng kita ng tindahan at personal na gastos, at tamang pagtataya ng tubo.

Sa pagbisita ng SLP staff, kapansin-pansin ang integridad at dedikasyon ni Josephine sa pagpapatakbo ng negosyo. Isinasabuhay niya ang mga best practices tulad ng tamang inventory management gamit ang First In, First Out (FIFO) technique; regular na stock monitoring upang maiwasan ang pagkaubos ng paninda o sobra-sobrang imbentaryo; malinis at maayos na tindahan, magiliw at matiyagang pakikitungo sa mga suki; at pagtutok sa customer satisfaction upang mapanatili ang tiwala ng komunidad.

Bagama’t hindi pa siya nakakadalo ng pormal na training, umaasa si Josephine na sa mga susunod na buwan ay makakasali siya sa mga pagsasanay ng DSWD para lalo pang mapaunlad ang kanyang kaalaman sa pamamalakad ng negosyo.

“Wala mi magsalig. Nagsige lang gihapon mi’g paningkamot. Apan ang SLP, dakog tabang, kay dili lang siya kwarta—gihatagan mi og paglaom, ug kabag-ohan sa among kinabuhi [ Hindi kami umasa lang. Patuloy pa rin kaming nagsumikap. Pero ang SLP ay malaking tulong, dahil hindi lang ito pera—binigyan kami nito ng pag-asa, at ng bagong simula sa aming buhay.] wika niya.