Isa sa mga kwentong nagpapatunay na ang pagsisikap ay isa sa mga paraan upang makaahon sa kahirapan ay ang kwentong tagumpay ni Hon. Kloyd Andrian D. Daffon.

Ang pamilya ni Kloyd ay kabilang sa mga unang naging benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Mabini, Davao de Oro. Bilang pangalawa sa anim na magkakapatid, naranasan ni Kloyd ang hirap ng buhay mula pagkabata. Naranasan niyang pumasok ng paaralan na suot ang sirang tsinelas at punit-punit na shorts. Subalit sa kabila nito ay pursigido pa ring pumasok ng paaralan si Kloyd para matuto.

Si Kloyd ay isa sa mga monitored children ng 4Ps. Dahil dito, natulungan siya ng programa na masuportahan sa lahat ng kanyang pangangailangan sa pag-aaral mula elementarya hanggang sekondarya.

Dagdag pa rito, malaking tulong rin sa kanila ang naturang cash grant ng programa bilang tulong pinansyal para sa kanilang pagkain at gamot sa panahon na sila’y magkasakit.

Sa kanyang pag-aaral, nakita ni Kloyd ang kahalagahan ng edukasyon. “Mag-eskwela gihapon ko maskin nagka-buslot-buslot na ang akong tsinelas ug gisi na ang akong shorts,”(Mag-aaral pa rin ako kahit na butas-butas ang ang aking tsinelas at punit ang aking shorts), paggunita niya sa mga panahong iyon. Sa kabila ng pinagdadaanang paghihikahos, hindi siya nawalan ng motibasyon na magpatuloy sa pag-aaral.

Sa likod ng kanyang pagpupursige, muling sinubok ang kanilang pamumuhay nang dumating ang pandemya na hatid ng COVID-19 virus. Dumanas ulit sa lubhang kahirapan ang pamilya kahit na ba may 4Ps pa rin sa panahong iyon.

Bagama’t naging malaking sagabal ito sa kanyang pag-aaral, hindi nagpatinag si Kloyd. Dahil upang maipagpatuloy niya pag-aaral hanggang sa kolehiyo, naging working student siya.

Nagtrabaho siya bilang Barangay Clerk at ginamit ang kanyang kinita upang makabili ng mga libro at iba pang kailangan sa eskwelahan. Hindi rin naman siya pinabayaan ng kanyang pamilya, dahil nga sa limitadong pinansyal na suporta, napagpasyahan ng kanyang nakatatandang kapatid na huminto sa pag-aaral upang mabigyan si Kloyd ng pagkakataong makatapos.

Naging solido ang suporta kay Kloyd mula sa pamilya at sa pamahalaan kaya naman nagsumikap siya at nagtapos ng Bachelor of Secondary Education, Major in Mathematics sa Kolehiyo ng Pantukan at nakatanggap sya ng Merit Award noong 2024. Noong taon ding iyon, pumasa siya sa Licensure Examination for Teachers (LET). Ang kanyang mga magulang ay labis na nagalak at ipinagmalaki ang kanyang tagumpay.

Ginamit ni Kloyd ang kanyang mga naabot at napagtagumpayan sa pagsisilbi sa kanyang kapwa at komunidad. Sa ngayon, siya ay isang Sangguniang Kabataan Chairman sa kanilang lugar.

Sa kanyang pamumuno, naglunsad siya ng mga proyekto tulad ng Clean-up Drive, pamamahagi ng Hygiene Kits, at mga seminar laban sa droga. Plano rin niyang magtayo ng Teen Center at magdaos ng parangal para sa mga nagtapos at pumasa sa board exam.

Bilang isang licensed teacher at lider, naglalayon si Kloyd na maging inspirasyon sa mga kabataan, lalo na sa mga benepisyaryo ng 4Ps. Ibinahagi niya na ang determinasyon at katatagan ay susi sa pag-abot ng mga pangarap, anuman ang hirap ng buhay.

“Masking magka-utang-utang, ang importante maka human (Kahit pa na magkautang, ang mahalaga ay makapagtapos),” sabi niya, na nagpapakita ng kanyang paniniwala sa pagpupursige. Naniniwala rin siya sa kahalagahan ng pagkakaisa ng pamilya sa harap ng mga pagsubok.

Patunay lamang ang kwento ni Kloyd na ang programa ng 4Ps ay isa lamang sa maraming instrumento upang ang benepisyaryo ay tuluyang magtagumpay. Sa kanyang kwento, naging kaagapay niya ang matatag na suporta ng kanyang pamilya, sinabayan niya pa ito ng sariling determinasyon at pagpupursige upang makamit ang kanyang mga pangarap. Hindi sinayang ni Kloyd ang naibigay na pribilehiyo sa kanya ng gobyerno — ang maging benepisyaryo ng 4Ps. Kaya naman isa na siya sa mga matagumpay na Pamilyang 4Ps at Batang 4Ps sa ngayon.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD #DSWDOnse #EODBMonth2025 #FromRedTapeToRedCarpet #BetterBusinessMovement #R2CBBMBP