Pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI ang opisyal na pagsisimula ng proyektong Fishing Facilities (Payao) ng Bucana Fisherfolks Sustainable Livelihood Program Association (SLPA) mula sa Brgy. Tibanban, Governor Generoso, Davao Oriental, noong Abril 5, 2025.

Ang asosasyong binubuo ng 21 miyembrong pawang mga mangingisda ay pinagkalooban ng paunang kapital na nagkakahalaga ng Php300,000.00 noong Enero 8, 2025, mula sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD. Layunin ng proyekto na mapalakas ang kanilang kabuhayan sa pamamagitan ng makabagong kagamitang pangisda gaya ng payao, na inaasahang makatutulong upang mapataas ang huli at kita ng mga kasapi.

Bahagi ito ng patuloy na adbokasiya ng ahensya na suportahan ang mga proyektong pangkabuhayan na makatutulong sa mga komunidad na maralita at nasa laylayan ng lipunan.

Sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Governor Generoso at ng mga kasaping benepisyaryo, umaasa ang DSWD XI na magpapatuloy ang tagumpay ng Bucana Fisherfolks SLPA at na ito’y maging modelo para sa iba pang mga organisasyon sa rehiyon.