“Ang kahirapan ay hindi hadlang sa kinabukasang inaasam.”
Ang kahirapan na naranasan ni George M. Ocana, 27 anyos, ang siyang nagbigay ng lakas upang matapos niya ang kaniyang pag-aaral. Isa lamang si George sa 55,078 na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa probinsya ng Davao del Norte. Noong hindi pa sila parte ng programang 4Ps, ay wala silang sariling bahay at palipat lipat sila ng tirahan. “Depende kung saan ma-assign ang aking ama, dun din kami titira.” ayon pa ni George. Pito silang magkakapatid,Security Guard ang kaniyang ama, at magsasaka naman ang kaniyang ina.
“Hindi sapat ang kita ng aking ama bilang isang sekyu”, saad ni George. Ang kanilang pangkain ay hindi kayang tustusan ng kinikita ng kanilang ama. May mga panahon din na hindi sila nakakakain sa isang araw. Gayunpaman, nagsusumikap ang kaniyang ina na makapagsaing ng mga kamoteng kahoy upang may pantawid gutom silang magkakapatid.
“Mula pa noon, hindi namin naranasan ang maginhawang buhay”, kwento pa ni George. Ngunit sa kabila pa man ng hirap ng buhay ay inuudyok pa din sila ng kanilang mga magulang na ipagpatuloy ang pag-aaral. Hanggang sa dumating ang panahon na nawalan ng trabaho ang kaniyang ama, ay mas lalo nilang naranasan ang hirap ng buhay. Ang tanging nagawa ng kaniyang ina ay ang patuloy na pag tatanim upang sa gayon ay may aanihin.
“Taong 2009, nagsimulang magbago ang aming pamumuhay. Ito ang panahon kung kailan naging parte kami ng programang 4Ps. Ang siyang programa din ang nagbigay sa akin ng pag-asa sa pag-aaral. Dahil sa scholarship na aking nasungkit bilang benepisyaryo ng 4Ps ay nakapag-aral ako at nakapagtapos ng high school bilang isang Salutatorian.” Hindi nawalan ng pagtitiyaga at pagsusumikap si George dahil sa naramandamang tulong ng programa. Nakita niya ang pagbabago at naging mas pursigido siyang makapag tapos ng kolehiyo.
Hindi naging hadlang ang mga pagsubok upang makapag-aral si George. Nilalakad niya ang eskwelahan dahil sa kakulangan ng pamasahe. Naging cashier ng isang sari-sari store, at naging crew din ng isang kainan si George upang may pang dagdag sa gastusin sa eskwela at upang maipagpatuloy ang pag-aaral.
“Dahil sa 4Ps, sa UNIFAST scholarship, at sa lahat ng taong tumulong sa akin upang maipagpatuloy ko ang aking pag-aaral at nakapagtapos ako bilang Cum Laude sa Jose Maria College. Naging Government intern din ako sa pamamagitan ng DOLE at nabigyan ng pagkakataon na maging manggagawa dito. Ngayong taon lang din, sa tulong ng 4Ps ay nakapag exam ako sa Licensure Examination for Social Workers at sa awa ng Diyos ay nakapasa.” Malaking pasasalamat ni George sa lahat ng tulong ng DSWD sa kanilang pamilya. Ang kaniyang nanay ay nakabili ng makina sa pananahi na naging simula ng pangkabuhaya nitong mga costume na pinaparenta nito.
May mga kapatid pa siyang nag-aaral ngayon at patuloy na nangangarap na makapagtapos. Ibinahagi ni George na ang kanilang estado noon at ngayon ay may makabuluhang pagbabago. Hindi man mabilisan ay unti-unting nakakamit nila ang kaginhawaan na matagal nang inaasam asam.
Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program ay naglalayon na maputol ang siklo ng kahirapan sa pamamagitan ng pagbibigay tuon sa bawat kabataan na miyembro ng pamilyang 4Ps.