
“Age may crease the skin, but it can’t wear down the spirit.”
Sa edad na kadalasan ay nagpapahinga na ang marami, si Juanita Adlawan mula Punta Biao, Brgy. Cogon ay piniling magsimula muli—hindi lamang para makaraos, kundi para umusad sa buhay.
Isang ina ng apat at benepisyaryo ng 4Ps, tahimik at matibay ang kanyang paninindigan. Noon, ang kanyang asawa ay mananggiti lamang, at ang kanilang kita ay sapat lang para sa pang-araw-araw. Sira-sira ang kanilang bahay, at may mga panahong hindi tiyak kung may mailalagay sa hapag. Ngunit kahit ganito, hindi nakayanang tumigil ni Juanita.
Sa halagang ₱5, namimili siya ng ukay-ukay na damit at ginagawang doormats, potholders, at shorts. Hindi man perpekto, bawat piraso ay hinabi mula sa malasakit at pag-asa. Nang dumating ang oportunidad mula sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD, buong puso niya itong tinanggap.
“Giingnan ko sa among City Link nga apil daw akong pangalan sa lista sa mga kwalipikado nga makadawat og kapital gikan sa SLP program. Bisan wala pa mi nakadawat og kapital, gihatagan na mi daan og training aron ma-andam mi ug mahimong mas maalam sa pagpdagan sa among negosyo.” (Sinabihan ako ng aming City Link na naisama raw ang pangalan ko sa listahan ng mga kwalipikadong makatatanggap ng puhunan mula sa SLP program. Kahit hindi pa namin natanggap ang kapital, binigyan na kami ng training para maging handa at mas matuto kung paano patakbuhin ang aming negosyo.)
Sa tulong ng ₱15,000 Seed Capital Fund mula sa SLP, nakabili siya ng mas de-kalidad na tela at nakapag-hire pa ng mananahi para mas mapaayos ang sidewalk tailoring business. Naging mas determinado si Juanita, hindi lang para kumita, kundi para palaguin ang negosyo.
Araw-araw, ang kanyang pwesto ay nasa tabi lamang ng kalsada. Iniiwan niya ang gamit na pinagkakatiwala sa barangay tanod at taimtim na dasal. Hindi madali; may takot pa rin na baka manakaw ang lahat. Pero mas matibay ang kanyang pag-asa.
Bisan senior citizen na ko, di gihapon ko gusto mohunong sa trabaho. Kapoy kaayo ang magpundo lang sa balay. Mas maayo nga naay buhat ug kalihokan nga makahatag og ganansya ug kalipay. (Kahit matanda na ako, ayaw ko pa ring tumigil sa pagtatrabaho. Nakakabagot ang basta na lang umupo sa bahay. Mas mabuti yung may ginagawa ka na nagbibigay ng kita at kasiyahan.)”
Dahil sa kanyang sipag at tiyaga, kumikita siya ngayon ng ₱1,000 hanggang ₱4,000 kada araw, depende sa dami ng customer. Hindi lang ito nagbigay ng dagdag na kita, kundi nakatulong din sa pamilya: may pagkain na sila araw-araw, nakakabayad ng kuryente at tubig, at may baon ang kanyang mga anak. “Sa una, kung makakita ko, usahay mahuot ra dayon. Pero karon, kabalo nako nga kinahanglan gyud magreserba og gamay para sa negosyo. (Noon, kapag may kinikita ako, minsan nauubos agad. Pero ngayon, natutunan ko na dapat talagang magtabi para sa negosyo.)”
Bukod sa kaalaman sa negosyo, natutunan din niya ang kahalagahan ng disiplina sa pag-iipon at pag-reinvest para tuloy-tuloy ang paglago.
Isa sa kanyang pinakamalaking hamon ay ang pwesto niya na nasa sidewalk lang.
“Usa sa mga kalisod nga akong naagian kay ang among pwesto nga naa ra sa sidewalk. Ibilin ra namo ang among mga gamit didto, ug bisan pa man naa’y guard, usahay mahadlok gihapon mi nga basin mawala.” (Isa sa mga hirap ko ay yung pwesto namin na nasa gilid lang ng kalsada. Iniiwan lang namin ang mga gamit doon, at kahit may guwardiya, minsan natatakot pa rin kaming baka mawala.)
Kaya’t ang pangarap niya ngayon ay makapagpatayo ng sariling maliit na tindahan—isang ligtas at maayos na lugar na kanya talaga.
Sa kabila ng edad, si Juanita ay naging inspirasyon. Ayon sa kanyang Project Development Officer:
“Bisan senior citizen na siya, napamatud-an niya nga ang edad dili babag sa kalampusan.” (Kahit matanda na siya, pinatunayan niyang hindi hadlang ang edad sa tagumpay.) “Sa iyang paningkamot, napakita niya nga ang katigulangan mahimong inspirasyon, dili limitasyon.” (Sa kanyang pagsisikap, ipinakita niyang ang katandaan ay maaaring maging inspirasyon, hindi hadlang.)
Ang kanyang kwento ay patunay: hindi hadlang ang edad para magsimula at magtagumpay. Ang bawat tahi ng kanyang kamay ay may kwento ng pag-asa, lakas, at pag-ibig sa pamilya.
Sa tulong ng SLP, hindi lang siya basta nabubuhay bilang senior citizen—namumuhay siya nang may dignidad, pag-asa, at pangarap. At sa bawat bagong umaga, naniniwala si Juanita na kahit kailan, hindi pa huli para umusbong.