Sa isang maliit na barangay sa San Isidro, Davao del Norte, nagsimula ang kwento ng pag-asa nina Mae Abigail P. Gabutan at ng kanyang partner na si Liezel Araulo. Noong Mayo 3, 2018, sa halagang ₱1,000 lamang, itinayo nila ang isang simpleng karinderya. Isang mesa, ilang putahe, at hiram na kalan—iyon lang ang puhunan nila, kasama ang kanilang pangarap.

Ngunit ang mas mabigat na hamon ay hindi lamang ang kakulangan sa puhunan. Bilang magkaparehang babae, sila rin ay humarap sa mga mata ng paghusga—mula sa mga kapitbahay, sa komunidad, at maging sa iilang customer na hindi sang-ayon sa kanilang relasyong hindi tradisyonal. “Tahimik lang kami sa simula. Hindi lahat tanggap ang sitwasyon namin. Pero mas pinili naming patunayan na kaya rin namin umasenso—babae man kami, at magkapareha pa.”

Habang pinapanday nila ang kanilang munting negosyo, inako rin ni Mae ang responsibilidad na pag-aralin ang kanyang nakakabatang kapatid. Dumaan sila sa panahong halos walang benta, nalubog sa utang para lang makabili ng sangkap, at muntik nang sumuko. Pero sa kabila ng lahat, kumapit sila sa isa’t isa, at sa kanilang paniniwalang may magandang bukas para sa masisipag na tulad nila.

Pagkalipas ng pitong taon ng tiyaga at sakripisyo, unti-unti nilang napatatag ang kanilang negosyo. Nagtayo sila ng permanenteng pwesto, at dumami ang kanilang suki. Ngunit higit pa sa materyal na tagumpay, ang tunay na biyaya ay dumating noong 2024, nang isang liaison officer mula sa LGU ang nag-imbita sa kanila na sumali sa Sustainable Livelihood Program (SLP) ng DSWD.

Sa pamamagitan ng programang ito, nakatanggap sila ng ₱10,000 na dagdag kapital. Para kay Mae, hindi lang ito pera—ito ay pagkilala. “Dahil sa SLP, naramdaman naming may lugar kami sa lipunan. Hindi na lang kami basta ‘taga-karinderya.’ Kami ay LGBT na may pangarap at determinasyon.”

Nagamit nila ang grant upang mas mapalago ang kanilang negosyo—nagdagdag ng paninda, bumili ng isang buong baboy, at mas napaayos ang serbisyo sa kanilang mga customer. Sa kasalukuyan, kumikita si Mae ng humigit-kumulang ₱13,500 kada buwan, depende sa bilis ng bentahan.

Bukod sa pinansyal na ginhawa, nakuha rin ni Mae ang isa sa pinakamahalagang bagay na hindi nabibili ng pera: kumpiyansa sa sarili. Dahil sa mga pagsasanay sa ilalim ng SLP gaya ng financial literacy, mas natutunan niyang hawakan ang pera, makisalamuha sa iba, at lumaban sa hamon ng buhay nang taas-noo.

Hindi pa rin nawawala ang mga pagsubok—kagaya ng pabago-bagong presyo ng karne at sangkap. Ngunit natutunan na nilang mag-adjust at maghanap ng mas murang alternatibo. Para kay Mae, ang diskarte at tibay ng loob ay sandatang di matutumbasan.

Ang kwento ni Mae ay kwento ng bawat miyembro ng LGBTQIA+ na araw-araw lumalaban para sa pagtanggap, respeto, at pagkakapantay-pantay. Sa isang lipunang unti-unting natututo ng mas malawak na pag-unawa, ang kanilang karinderya ay hindi lang pinagkukunan ng kabuhayan—ito ay simbolo ng pagmamahalan, dignidad, at tagumpay na walang pinipiling kasarian.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD

#DSWDsaOnse