
Nagsagawa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI, sa pangunguna ng Regional Program Management Office (RPMO) ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ng dalawang araw na Operational Systems Spot-Check sa bayan ng Asuncion, Davao del Norte, mula Hunyo 19 hanggang Hunyo 20, 2025.
Layunin ng aktibidad na masuri ang pagpapatupad ng mahahalagang bahagi ng programa, tiyakin ang katumpakan ng datos sa Pantawid Pamilya Information System (PPIS), at matukoy ang mga isyung kailangang bigyang solusyon upang mapahusay ang serbisyo para sa mga benepisyaryo.
Ang aktibidad ay isinagawa sa pamamagitan ng house-to-house na pagbisita at panayam sa mga miyembro ng pamilyang benepisyaryo. Sa mga panayam na ito, kinolekta rin ang mga kaukulang dokumento bilang patunay ng pagsunod sa mga kondisyon ng programa. Naging daan ito upang makita sa aktwal ang mga suliraning kinakaharap ng mga benepisyaryo sa komunidad.



Kabilang sa mga pangunahing isyung natukoy sa spot-check ang hindi pagpasok sa paaralan ng ilang bata, paulit-ulit na hindi pagsunod sa mga kondisyon ng programa, at mga kaso ng pagsasangla ng cash card. Tinalakay rin ang mga kahilingan para sa reinstatement o reactivation sa programa, mga non-moving accounts, at ang hindi regular na pagsali sa Family at Youth Development Sessions. Bukod dito, tinugunan din ang mga usapin ukol sa gender-based violence and abuse, pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya, at ang mga natatanging hamong kinakaharap ng mga Indigenous Peoples (IP).
Nagbigay rin ang RPMO ng agarang teknikal na tulong sa mga kasamahan sa field base sa mga natuklasan. Saklaw ng pagsusuri ang mga pangunahing bahagi ng operasyon tulad ng Beneficiary Data Management, Compliance Verification System, Grievance Redress System, at Cash Grants Management. Ang mga resulta ng spot-check ay magsisilbing batayan sa pagpapabuti ng pagpapatupad ng programa at paghahain ng mga rekomendasyon para sa mas epektibong serbisyo sa mga benepisyaryo.


Sa pamamagitan ng aktibidad na ito, pinagtitibay ng DSWD Field Office XI ang pangako nitong maghatid ng tapat, episyente, at makataong serbisyo para sa mga pamilyang umaasa sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD
#DSWDsaOnse