Upang bigyan ng sapat na kaalaman at kasanayan ang mga kabataan sa pagprotekta sa kanilang sarili laban sa mga panganib online, nagsagawa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI, sa pamamagitan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ng serye ng mga learning sessions tungkol sa Online Sexual Abuse and Exploitation of Children (OSAEC) at Child Sexual Abuse and Exploitation Materials (CSAEM) sa piling mga pampublikong paaralan sa Davao de Oro.

Isinagawa ang mga aktibidad noong Pebrero 20, Marso 13, at Hunyo 10, 2025, sa New Albay National High School, Bagong Silang National High School, at Paloc National High School sa Maragusan, at sa Mapawa National High School sa Pantukan.

Tinarget ng mga sesyon ang mga estudyante mula Grade 7 hanggang Grade 12 upang palawakin ang kanilang kaalaman ukol sa online na pang-aabuso, ituro ang mga paraan ng pag-iwas dito, at ipalaganap ang kahalagahan ng karapatan ng mga bata at ng kanilang kaligtasan sa internet.

Pinangunahan ng 4Ps Municipal Operations Office ng Maragusan ang mga aktibidad, katuwang ang mga rehistradong social worker na sina Theresa L. Benito, RSW; Chenny Rose A. Magsigay, RSW; at Jennifer Masumbid-Pensader, RSW bilang mga tagapagsalita. Tinalakay nila ang mga uri at palatandaan ng online na pang-aabuso, mga hakbang sa pag-uulat ng insidente, at kahalagahan ng referral pathways sa pagbibigay-proteksyon sa kabataan.

Naging matagumpay ang mga aktibidad sa tulong at pakikiisa ng mga punong-guro, guro, mga lokal na opisyal ng barangay, Sangguniang Kabataan (SK) councils, at ng Provincial Operations Office ng Davao de Oro.

Sa pamamagitan ng ganitong mga inisyatibo, pinalalakas ng DSWD XI ang adbokasiya para sa proteksyon ng kabataan at tumutulong sa pagbubuo ng isang henerasyong may sapat na kaalaman, mapagmatyag, at matatag sa harap ng mga banta sa digital na mundo.


#BawatBuhayMahalagaSaDSWD
#DSWDsaOnse