Patuloy ang pagtugon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI sa pangangailangang pangkabuhayan ng mga komunidad sa Davao Region matapos ipagkaloob ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ang kabuuang halagang Php7,275,000 sa 24 na asosasyon mula sa iba’t-ibang bayan sa Probinsya ng Davao de Oro.

Pormal na isinagawa ang turnover ceremony ng 24 na Seed Capital Fund (SCF) checks nitong Hunyo sa isang simpleng seremonya. Sa nasabing halaga, 23 SLP Associations ang tumanggap ng ₱300,000 bawat isa, habang isang asosasyon naman ang nakatanggap ng ₱375,000 mula sa mga bayan ng Mabini, Laak, Mawab, Maco, at Nabunturan, bilang panimula sa kanilang napiling pangkabuhayan.

Nasa 480 benepisyaryo ang direktang makikinabang sa pondong ipinagkaloob ng Ahensya. Ang naturang pondo ay mula sa DSWD, sa pakikipagtulungan ng Opisina ni Davao de Oro Provincial Vice Governor Hon. Tyron Uy.

Layunin ng programa na bigyan ang mga asosasyon ng sapat na kakayahan, kaalaman, at tulong-pinansyal upang makapagsimula o mapalago ang kanilang mga negosyo, tungo sa mas matatag at mas mapagkakakitaan na kabuhayan para sa mga miyembro at komunidad.