Pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI, sa pamamagitan ng Sustainable Livelihood Program (SLP), at sa pakikipagtulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Caraga, Davao Oriental, ang pagbubukas ng tatlong proyekto ng mga asosasyon sa nasabing bayan.

Noong Mayo 31, opisyal na binuksan ang Motor Parts and Hardware Project ng Pantuyan Motorcycle Drivers SLP Association. Sumunod noong Hunyo 5 ang Rice Retailing Project ng Caningag Livestock Raisers SLP Association sa Barangay Caningag, at ang Agrivet Retailing & Wholesale Project ng ACOFA SLP Association sa Barangay Lamiawan. Noong Hunyo 9 naman ay pormal na inilunsad ang General Merchandise Project ng POBAGA SLP Association sa Barangay Poblacion.

Sa kabuuan, umabot sa halagang Php 600,000.00 ang naipagkaloob na Seed Capital Fund (SCF), kung saan nakatanggap ng tig-Php 150,000.00 ang bawat asosasyon. Tinatayang 60 na miyembro mula sa apat na asosasyon ang direktang makikinabang mula sa mga proyektong ito. 

Bago matanggap ang nasabing tulong-kapital, ang mga miyembro ng asosasyon ay sumailalim muna sa iba’t ibang capacity-building activities at mga pagsasanay upang tiyakin ang kanilang kahandaan sa pamamahala ng proyekto at pagpapatakbo ng kanilang samahan.

Ang Sustainable Livelihood Program ay isang capability-building na programa ng DSWD na naglalayong iangat ang antas ng kabuhayan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na kasanayan at kaalaman upang makapagsimula ng negosyo o makahanap ng angkop na trabaho.

Ang inisyatibong ito ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng DSWD-SLP XI na suportahan ang mga lokal na komunidad tungo sa mas matatag at mas masaganang kabuhayan.