Sa maliit na tahanan sa Anibongan, Carmen, Davao del Norte, may isang ilaw na patuloy na nagbabaga, hindi alintana ang kadiliman ng kahapon. Ito ang ilaw ng pag-asa at pangarap na taglay ni Janice P. Piano, isang 32-anyos na ina at kasalukuyang cashier sa isang 7/11 store. Sa kabila ng mga pinagdaanan, ang kanyang kwento ay patunay na sa bawat pagsubok, may binhi ng pagbangon na naghihintay ng tamang panahon upang tumubo.

Si Janice, kasama ang kanyang kinakasama na si Kuya Joy Nibres, isang magsasaka, at ang kanilang mga anak, ay matagal nang hinaharap ang hamon ng kahirapan.

“Mahirap talaga ang kalagayan ng aming pamilya, kakarampot at hindi sapat ang aming kita sa gastusin sa pang-araw-araw,” wika ni Janice, habang bakas sa kanyang boses ang pagod ng mga nakaraang taon.

Kahit may trabaho na siya noon, ang kita ay kailanman hindi naging sapat. Si Joy ay minsang may trabaho, ngunit mas madalas ay wala, dahilan upang lalo pang bumigat ang kanilang sitwasyon.

“Kahit anong tipid ang gawin, kulang pa rin sa pagkain, bayarin, at lalo na sa gastusin sa mga bata,” dagdag pa niya.

Kasama ng gutom ang pangambang hindi mapag-aral ang mga anak. Ang paaralan ay hindi na karapatang dapat makamtan, kundi tila isang luho na lang kung minsan—dahil sa kakulangan sa pamasahe o gamit.
Isipin mo ang hapdi ng damdamin ng isang magulang na hindi maibigay ang batayang pangangailangan ng kanyang mga anak, at ang pait ng katotohanang ang edukasyon, na dapat ay para sa lahat, ay nagiging pribilehiyo lamang para sa ilan.

Sa kabila ng madilim na nakaraan, nanatiling buo ang mga pangarap ni Janice—hindi lamang para sa sarili kundi, higit sa lahat, para sa kanyang mga anak.

“Pangarap ko po na magkaroon ng mas maayos at permanenteng trabaho,” saad niya, habang ang kanyang mga mata ay nanunungaw sa hinaharap.

Nais niyang makapag-aral muli o sumailalim sa mga training upang lumawak ang kanyang kaalaman. Sa ganoong paraan, magiging mas handa siya sa mas magagandang oportunidad.

Tatlo ang matinding pangarap ni Janice: una, ang magkaroon ng permanenteng trabaho; pangalawa, ang sariling bahay para sa pamilya—”yung hindi na namin kailangang lumipat-lipat,” aniya; at pangatlo, ang makapagsimula ng maliit na negosyo bilang dagdag kita at pangmatagalang kabuhayan. Hiling din niya na magkaroon ng permanenteng trabaho ang kinakasama upang mas magaan ang kanilang pasanin bilang magulang.

Aminado si Janice na dumaan siya sa mga panahong gusto na niyang sumuko.

“Lalo na kapag sunod-sunod ang problema at parang walang dulo ang pagod at sakripisyo.”

Ngunit sa bawat patak ng luha, pagmamahal sa pamilya ang nagsisilbing kanyang gasolina.

“Sa tuwing naiisip ko ang mga pangarap ko para sa sarili at sa mga mahal ko sa buhay, bumabalik ang lakas ng loob ko,” ang matatag niyang wika.

Ang kanyang pagpupursige na magtipid, magtrabaho ng masigasig, at samantalahin ang bawat oportunidad ay patunay ng kanyang hindi matitinag na pananalig sa buhay.

Ang kwento ni Janice ay kwento ng maraming ina, walang kasiguruhan, ngunit punô ng pag-asa. Sa bawat pagtitiis, may buhos ng pagmamahal. At sa bawat pangarap, may apoy na patuloy na naglalagablab. Hangga’t may pamilya siyang kailangang alagaan, hindi kailanman mapapatay ang ilaw na kanyang tangan.

Malaki ang papel na ginampanan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa pag-asam ni Janice ng isang mas magandang bukas. Hindi ito ang nagbigay sa kanila ng instant na ginhawa, ngunit ito ang naging sandalan sa mga panahong wala syang kahit anumang makakapitan.

“Dahil sa tulong pinansyal na ibinibigay ng programa, kahit papaano ay nabawasan ang bigat ng aming gastusin sa araw-araw,” paliwanag ni Janice. Ang tulong na ito ay nagbigay ng kakayahang tugunan ang batayang pangangailangan ng mga anak – pagkain, pamasahe, at gamit sa eskwela. Dahil dito, hindi na nila kailangan mangutang palagi, at mas importante, hindi na kailangang isakripisyo ang edukasyon ng mga bata.

Ang 4Ps ay hindi lamang nagbigay ng pinansyal na tulong, kundi nagbigay rin ng pagkakataon kay Janice na mas makapag-focus sa paghahanapbuhay at paghahanda para sa kinabukasan. Ito ang naging inspirasyon upang lalo pa siyang magsumikap, dahil alam niyang mayroong sumusuporta sa kanila habang patuloy silang bumabangon.

“Hindi man madali ang lahat, pero dahil sa 4Ps, mas naging matibay ang sandigan ko sa pag-abot ng mga pangarap ko sa sarili at sa pamilya.” 

Ang kanyang kwento ay paalala na ang tunay na halaga ng mga programa tulad ng 4Ps ay hindi lamang nasusukat sa halaga ng tulong, kundi sa buhay na binabago nito – ang pangarap na muling binubuhay, at ang pag-asa na patuloy na nagliliyab sa puso ng mga Pilipinong tulad ni Janice, na handang magsikap upang matupad ang bawat mithiin.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD #DSWDSaOnse