Sa bawat araw na lumilipas, bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang laban—maaaring para sa mas maayos na pamumuhay, o para sa simpleng pagpuno ng kumakalam na tiyan. Habang ang ilan ay nangangarap ng pag-angat, mas marami ang naglalakbay sa landas ng pagtitiis at paghihirap. Sa gitna ng lahat ng ito, ang ating pagsusumikap ay patunay ng ating katatagan at pagtanaw sa pag-asa ng mas magandang bukas.

Si Michael Lomotos, 34- anyos, mula sa Barangay Talisay sa Lungsod ng San Isidro sa Davao Oriental ay isa sa mga nakaranas ng hirap na naging sanhi ng maagang pagkamulat sa realidad ng buhay. Bata pa lamang siya ay wala na siyang nakagisnang mga magulang, ang kaniyang lola ang sumalo ng responsibilidad na ito at tumayong sandigan niya sa mga panahong siya ay sinusubok ng buhay.

Taong 2013 nang napagdesisyonan niyang makipagsapalaran sa Luzon partikular na sa Mandaluyong City upang magbakasali na makaranas ng masaganang buhay. Sa loob ng labindalawang taon ng kanyang pananatili roon, iba’t ibang trabaho ang kanyang pinasok upang maitawid ang pangangailangan sa bawat araw. Madalas, bilang laborer sa iba’t ibang mga construction sites.

Sa bawat hakbang pasan ang mabibigat na mga kagamitang pangkonstruksyon, dala naman ni Michael ang pag-asa at determinasyon na matamasa ang mas maginhawang buhay. Hanggang sa unti-unti, sa gitna ng mga pagsubok at tagumpay, doon na rin siya bumuo ng sariling pamilya at nagkaroon ng anak. Itinuring ito ni Michael na bagong simula na siya ring pinanghuhugutan niya ng lakas at inspirasyon

Noong mas pursigido at determinado si Michael sa paghahanap-buhay ay mas lalo pa siyang sinubok ng panahon—nasunog ng kanilang tahanan. Dahil dito ay napilitan silang manirahan sa ilalim ng tulay. Malapit na siyang mawalan ng pag-asa na makaalis sa kanilang mahirap na kalagayan sa ilalim ng tulay. Ngunit isang taon matapos ang mapait na karanasan, dumating ang liwanag sa pamamagitan ng programang Oplan Pag-Abot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sa ilalim ng programang ito, layunin ng DSWD na tulungan ang mga indibidwal at pamilyang nasa lansangan na makabalik sa kanilang mga probinsya at makapagsimula ng panibagong buhay.

Sa tulong ng Balik Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2) Program, na bahagi ng Oplan Pag-Abot, nabigyan siya ng pagkakataon na makauwi sa kanyang probinsya. Ang BP2 Program ay naglalayong hikayatin ang mga Pilipinong nais bumalik sa kanilang mga lalawigan upang magkaroon ng mas maayos na pamumuhay, sa pamamagitan ng pagbibigay ng iba’t ibang uri ng suporta tulad ng transportasyon, tulong sa paninirahan, at mga programang pangkabuhayan.

Sa kanyang pagbabalik sa probinsya, hindi lamang siya nakatanggap ng tulong pinansyal kundi pati na rin ng mga pagsasanay at oportunidad upang makapag simula muli. Naging tulay din ang programa ng KALAHI-CIDSS upang patuloy siyang matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya sa pang-araw-araw.

Dahil dito naging susi rin si Michael upang simulan ang KALAHI-CIDSS subproject na konstruksyon ng isang school building sa Talisay National High School sa kanilang Barangay  upang makapagbigay ng dagdag interbensyon sa kanya sa pamamagitan hanapbuhay, sapagkat siya ay itinalaga bilang operations and maintenance personnel.

“Nalipay gyud ko nga natabangan ko sa programa nga makauli ko diri sa among probinsya. Dako kaayo ni nga kabag-ohan sa kinabuhi namo sa akong pamilya. Dili nako sayangon ni nga oportunidad nga gihatag sa DSWD ug sa KALAHI CIDSS kay maningkamot pa gyud ko ilabi na sa bag-o nga gihatag nga trabaho sa akoa sa eskwelahan,” pagbutyag ni Michael
(Napakasaya ko dahil sa tulong na naibigay sa amin ng programa na makauwi sa aming probinsya. Malaking pagbabago ang naidulot nito sa buhay namin ng aking pamilya. Hindi ko sasayangin ang oportunidad na ito na ibinigay ng DSWD at KALAHI-CIDSS dahil magsisikap ako lalo na at binigyan ako ng bagong trabaho ng paaralan)

Ang mga programang ito ay bahagi ng mas malawak na layunin ng DSWD na mabigyan ng pangmatagalang solusyon ang mga suliranin ng kahirapan at kawalan ng tirahan sa mga lungsod.

Ang kanyang kwento ay patunay na sa kabila ng mga pagsubok, may mga programang handang tumulong sa mga nangangailangan upang muling makabangon at makapagsimula ng panibagong buhay.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD
#DSWDSaOnse
#MagKALAHITayoPilipinas