Sa pangunguna ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP), pormal na inilunsad noong Mayo 16, 2025 ang chicken egg production project ng Tubalan 4Ps SLP Association sa Barangay Tubalan, Malita, Davao Occidental.

Ang proyektong ito ay pinondohan ng halagang Php 450,000.00 bilang tulong-kapital mula sa SLP, na ginamit para sa pagtatayo ng poultry facility at pagbili ng mga kailangang kagamitan. Binubuo ng 30 aktibong miyembro ang asosasyon, na pawang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Bilang paghahanda sa pamamahala ng negosyo, sumailalim muna ang mga miyembro sa serye ng capacity-building trainings kung saan natutunan nila ang mga mahahalagang kaalaman sa pagpapatakbo ng isang asosasyon, pangangalaga sa livestock, at tamang bookkeeping. Layunin ng mga aktibidad na ito na masiguro ang maayos at matagumpay na pagpapatakbo ng kanilang livelihood project.

Sa pamamagitan ng proyektong ito, inaasahang hindi lamang matutugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng mga miyembro, kundi makakatulong din ito sa pagpapalago ng kanilang kita at kabuhayan sa komunidad.