Mas pinalakas pa ang laban kontra sa Online Sexual and Exploitation of Children o OSAEC ng DSWD Field Office XI sa pamamagitan ng iba’t ibang estratehiya at aktibidad na inilunsad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Sa pagpoprotekta ng karapatang pantao ng mga kabataan at adbokasiya sa kapakanan ng mga bata, nagsagawa ng learning sessions ang mga focal persons ng 4Ps partikular na sa personal hygiene, OSAEC at ang R.A. No. 11696 o ang Anti-Child Marriage Act sa mga residente ng Barangay Baganihan, Marilog District, Davao City noong Marso 31, 2025.

Nakilahok sa mga naturang sesyon ang mga mag-aaral sa ikalima at ika-anim na baitang mula sa Bayanihan Elementary School at ang tribal leaders, opisyal ng barangay, Sangguniang Kabataan (SK) at ang mga IP Mandatory Representatives (IPMRS).

Pinag-usapan sa naturang learning sessions ang talakayan patungkol sa kahalagahan ng kalinisan sa katawan, maayos na gawi sa kalusugan at pag-iwas sa mga sakit. Tinalakay ito na usapin ng 4Ps City Link na si Princess Mia Aureo. 

Ipinaliwanag naman ni Regional Gender and Development Officer, Gemma M. Gulangayan, ang usapin sa panganib na hatid ng OSAEC at kung paano protektahan ang sarili sa online spaces. Sa pamamagitan ng mga visual aids at interactive activities, mas madaling naunawaan ng mga mag-aaral ang mensahe.

Samantala, sa sesyon para sa mga community leaders, tinalakay ni Mr. Leonor A. Labarca ang mga probisyon ng RA 11596 at ang mga ipinagbabawal na gawaing may kaugnayan sa child marriage. Sa pamamagitan ng open forum, ibinahagi ng mga tribal leaders ang mga tanong at obserbasyon hinggil sa mga umiiral na tradisyon at kung paano ito maisasabay sa mga alituntunin ng batas.

Natapos ang programa sa sabayang panunumpa ng mga kalahok bilang suporta sa ganap na pagpapatupad ng Republic Act No. 11596 at ang kanilang panata na itaguyod ang karapatan ng mga kabataan sa kanilang mga komunidad. Ito naman ay sinaksihan at sinuportahan ng mga focal persons ng 4Ps Onse at mga guro ng Bayanihan Elementary School.

Sa pamamagitan ng makabuluhang ugnayan sa pagitan ng pamahalaan at ng komunidad, higit pang napalalim ang kaalaman ng mga kalahok sa mga isyung kinahaharap ng kabataan at ang kanilang papel sa pagtutok at pag-aksyon tungo sa mas ligtas at mas maunlad na kinabukasan.

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD
#DSWDsaOnse