Opisyal na pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI, sa ilalim ng Sustainable Livelihood Program (SLP), ang pagbubukas ng vertical crab fattening at fishing project ng NAMABAA SLP Association noong Abril 10 sa Barangay Bago Aplaya, Davao City.

Ang nasabing asosasyon, na binubuo ng 30 miyembro, ay nakatanggap ng P450,000.00 na tulong-kapital para sa kanilang napiling proyekto. Bago pagkalooban ng pondo, sumailalim muna ang mga miyembro ng SLPA sa iba’t ibang capacity building activities upang matiyak ang kanilang kahandaan sa pagpapatakbo ng kabuhayan.

Katuwang ng DSWD sa implementasyon ng proyekto ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) XI, City Social Welfare and Development Office ng LGU Davao, at ang Barangay LGU ng Bago Aplaya.

Ang Sustainable Livelihood Program ay isang programa ng DSWD na naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga benepisyaryo sa pamamagitan ng pagbibigay ng angkop na suporta at oportunidad upang magkaroon ng matatag at maunlad na kabuhayan.