Kamakailan, isinagawa ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI ang isang benchmarking activity na dinaluhan ng 41 miyembro mula sa KASITOTAPANG 4Ps SLP Association at CLAMS 4Ps SLP Association ng Davao City. Isinagawa ang aktibidad sa Lao Integrated Farm Inc., isang pribadong sakahan sa Tamugan, Marilog District, Davao City, noong Abril 11, 2025.

Layunin ng nasabing aktibidad na palawakin ang kaalaman at hikayatin ang mga benepisyaryo sa pagpapaunlad ng kanilang napiling proyekto sa kabuhayan—ang goat production o pag-aalaga at pagpapalaki ng kambing. Bukod dito, layunin din ng programa at ng Lao Integrated Farm na maibahagi ang mga best practices upang masiguro ang tuloy-tuloy at matagumpay na operasyon ng kanilang mga kabuhayan.

Ang matagumpay na pagpapatupad ng aktibidad ay bunga ng masiglang suporta at pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya at tanggapan, kabilang na ang City Government of Davao, Barangay Local Government Units (BLGUs) ng Salaysay at Tamugan, City Agriculture Office, City Veterinary Office, City Social Welfare and Development Office, Department of Agriculture, at ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), na nagsilbing katuwang ng SLP.

Ang mga ganitong aktibidad ay patunay ng kolektibong pagkilos para sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga benepisyaryo, at pagbibigay ng mas malawak na oportunidad para sa mga miyembro ng komunidad na makaangat sa isang mas matatag at masustansiyang antas ng pamumuhay.