Noong mga unang taon bago dumating ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), ang buhay ni Aling Maria at ng kanyang pamilya ay isang larawan ng kahirapan. Sa isang maliit na kubo sila nakatira, gamit ang lampara bilang ilaw sa gabi at balon bilang pangunahing pinagkukunan ng tubig para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan. Hindi sapat ang pagkaing nakahain sa kanilang hapag-kainan, at kulang ang kita mula sa pagsasaka at pagbebenta ng kakanin upang tustusan ang pangangailangan ng kanilang mga anak, lalo na sa eskwela.
Pero noong 2009, nagbago ang takbo ng kanilang buhay nang dumating ang 4Ps sa kanilang barangay. Isa si Aling Maria sa mga mapalad na napabilang sa programa, at mula noon, unti-unting gumaan ang kanilang pamumuhay. “Malaking tulong ang 4Ps sa amin,” ani Aling Maria. “Nakapagbigay ito ng pagkakataon na mabili ang mga gamit ng aming mga anak sa pag-aaral at makabili ng masasarap na pagkain na dati’y hindi namin kayang bilhin.”
Ngunit higit pa sa pinansyal na tulong, ang 4Ps ay nagturo din kay Aling Maria ng kahalagahan ng aktibong pakikilahok sa komunidad. Bago siya maging benepisyaryo ng programa, mas inuuna niya ang paghahanapbuhay kaysa ang maging bahagi ng mga gawaing pampamayanan. Ngunit sa tulong ng Family Development Sessions (FDS), natutunan niyang balansehin ang kanyang tungkulin bilang magulang at miyembro ng komunidad. Naging miyembro siya ng “Women’s Association” sa kanilang barangay, at naging mas masigasig sa pagtulong sa iba.
Puno ng mga pangarap si Aling Maria para sa kanyang pamilya. Hangad niyang makapagtapos ng pag-aaral ang kanyang mga anak upang magkaroon sila ng mas maayos na kinabukasan. Hindi siya nawalan ng pag-asa, bagkus, lalo pa siyang nagsikap kasama ang kanyang asawa. Sa kabila ng mga pagsubok, pinatunayan nilang kayang lagpasan ang lahat sa pamamagitan ng pananalig at pagsusumikap.
Ang 4Ps ay naging daan din upang makapag-ipon sila. Sa loob ng anim na buwan, umabot sa P9,000 ang kanilang naipon mula sa sobrang kita. Ito ang ginamit nilang puhunan para magsimula ng maliit na sari-sari store, na kalauna’y lumago at nagdala ng karagdagang kita para sa kanilang pamilya. Nakaipon din sila upang mag-alaga ng mga baboy at gawing negosyo. Unti-unti, umayos ang kanilang buhay—nagtayo sila ng sariling bahay, nagkaroon ng kuryente, at hindi na sa balon kinukuha ang tubig.
Ngayon, ang panganay na anak ni Aling Maria ay nasa ikatlong taon ng kolehiyo, habang ang bunso naman ay nasa Grade 11. Sa tulong ng 4Ps at ng mga aral na nakuha niya mula sa FDS, mas naging epektibong magulang si Aling Maria. Hindi lamang siya natuto ng tamang pangangalaga sa kanyang pamilya, kundi natuto rin siyang maging aktibo sa komunidad. Ngayon, kasama siya sa Women’s Association at ang kanyang asawa ay barangay kagawad.
“Habangbuhay akong nagpapasalamat sa 4Ps,” sabi ni Aling Maria. “Hindi lang ito programa para sa pinansyal na tulong, kundi ito rin ay nagbibigay ng mga kaalaman at kasanayan na nagagamit ko sa araw-araw.” Sa kasalukuyan, patuloy niyang pinangangasiwaan ang kanilang negosyo at may balak pang magtayo ng karenderia upang madagdagan ang kanilang kita.
Para kay Aling Maria, ang kahirapan ay hindi hadlang upang makamit ang mga pangarap. Sa halip, ito ay isang hamon na dapat pagtagumpayan sa pamamagitan ng pagsisikap, tiyaga, at pananampalataya. Ang kanyang kwento ay patunay na ang pagsisikap, katuwang ang tamang suporta, ay maaaring maghatid ng tagumpay at bagong pag-asa para sa isang mas maliwanag na kinabukasan.
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD