Sanay sa hirap at puno ng mga pagsubok ang buhay ni Aries Embac Bazar. Siya ay ipinanganak sa isang liblib na barangay sa Paquibato District, Davao City, kung saan bata pa lang ay natutunan na niya ang hirap ng pamumuhay sa probinsya. Sa murang edad na 13, dala ang pangarap na makaahon sa kahirapan, sumama siya sa isang recruiter na nag-alok ng trabaho sa isang pabrika sa Maynila.

“Sa gamay pa ko, gidala ko sa Manila kay kuno magtrabaho mi sa pabrika, pero pag-abot namo didto, dili mao ug dili maayo ang among natad-an nga trabaho. Perting lisora sa among kahimtang, labi na nga naa na koy anak. Naningkamot ko nga makatrabaho, nisulod kog construction bisan dili unta sila mudawat og babae, pero naluoy sila sa akong kahimtang, labi na sa akong bata.”
(“Bata pa lang ako, dinala na ako sa Maynila dahil sabi magtatrabaho daw kami sa pabrika, pero pagdating namin doon, iba at hindi maayos ang trabaho. Napakahirap ng kalagayan namin, lalo na dahil may anak na ako. Sinikap kong makahanap ng trabaho at pumasok sa construction kahit hindi naman sana nila tatanggapin ang babae, ngunit naawa sila sa aking kalagayan, lalo na sa aking anak.”)

Ngunit sa kasamaang-palad, hindi pala sa pabrika kundi sa isang nightclub siya dinala. Walang nagawa si Aries kundi ang magtiis, kahit labag sa kanyang kalooban. Kalaunan, natuto siyang dumiskarte at pumasok sa iba’t ibang trabaho upang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan. Kilala si Aries bilang isang miyembro ng LGBTQ community, at namuhay siya sa lansangan kasama ang kanyang dating live-in partner ng ilang taon.

Isang gabi sa kasagsagan ng pandemya, naganap ang isang hindi inaasahang pangyayari na nagbago sa kanyang buhay. Isang gabi ng kasiyahan kasama ang mga kaibigan ng kanyang partner ang nagbunga ng isang anak. Bagamat naguluhan at nagalit sa una, buong-pusong tinanggap ni Aries ang bagong responsibilidad bilang magulang. Naging maginhawa ang kanilang pamumuhay dahil sa trabaho bilang delivery truck driver ng kanyang naging asawa, ngunit nagbago ang lahat nang magkaroon ng komplikasyon sa bakuna ang kanyang partner, na naging sanhi ng kanyang maagang pagpanaw.

Muling bumalik si Aries sa hirap, at ngayon ay doble kayod upang matustusan ang pangangailangan ng kanyang anak. Nagsikap siyang magtrabaho sa construction at iba pang mabibigat na trabaho kahit puno ng pagsubok. Sa kabila ng lahat ng hirap, hindi kailanman sumagi sa isip ni Aries na iwan o ipaampon ang kanyang anak sa iba; buong tapang niyang pinili ang manatili para sa kanya.

Isang gabing naglalakad sila sa lansangan, isang sasakyan mula sa DSWD ang dumaan. Hindi na nagdalawang-isip si Aries at humingi siya ng tulong, dala ang pangarap na mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang kanyang anak.

Makalipas ang tatlong buwan ng pananatili sa DSWD Haven for Women habang inaasikaso ang kanilang mga pangangailangan sa ilalim ng Pag-Abot Program, noong Pebrero ngayong taon ay matagumpay na nakauwi si Aries kasama ang kanyang anak sa Davao City, sa pakikipag-ugnayan ng ahensya sa Lokal na Pamahalaan ng Barangay Paradise Embac.

Ngayong Oktubre, natanggap na ni Aries ang P60,000 kapital mula sa DSWD, na gagamitin niya upang makapagsimula ng food cart business – isang bagong hakbang para sa kanilang pangarap na buhay. Dagdag pa rito ang transitory shelter assistance na nagkakahalaga ng Php36,000.00 upang matustusan ang buwanang renta ng kanilang tahanan sa loob ng isang taon.

Buong pusong nagpapasalamat si Aries sa Pag-Abot Program ng DSWD. Bagamat kinakailangan pa nilang mag-adjust sa bagong komunidad at paraan ng pamumuhay, puno ng pag-asa si Aries na unti-unti nilang mararating ang inaasam na ginhawa. Pangarap niyang makapagtapos ng pag-aaral ang kanyang anak – ang pangarap na nagbibigay sa kanya ng lakas at inspirasyon sa bawat araw ng kanyang pagsusumikap.

“Maong dako kaayo akong pasalamat sa DSWD nga na-rescue mi sa kalsada ug nakabalik ko diri sa Davao aron makasugod og bag-ong kinabuhi. Kining tabang nga akong nadawat, ako ning gamiton ug palambuon para sa akong anak. Dili nako gusto maparehas sa akong kinabuhi ang kaugmaon sa akong anak”
(“Kaya’t napakalaki ng pasasalamat ko sa DSWD dahil nailigtas nila kami sa lansangan at nakabalik ako dito sa Davao para makapagsimula ng bagong buhay. Ang tulong na natanggap ko, gagamitin ko ito at palalaguin para sa aking anak. Ayokong matulad sa aking naging buhay ang kinabukasan ng aking anak”).

Ang Pag-Abot Program ay isang komprehensibong programa ng DSWD na naglalayong mailayo sa panganib ng lansangan ang mga indibidwal, bata, at pamilyang nasa lansangan sa pamamagitan ng mga reach-out operations at pagbibigay ng angkop na serbisyo o interbensyon.

Patuloy po kaming tumutulong sa mga pamilyang nasa lansangan. Maaari kayong magmensahe sa aming opisyal na pahina o tumawag sa aming hotline: 8-931-9141 (Lunes hanggang Biyernes) at mag-email sa pagabotprogram@dswd.gov.ph.