“Hindi hadlang ang kahirapan para maabot ang mga pangarap sa buhay.” – Marybeth Creta
Sa isang tanyag na isla dito sa rehiyong Dabaw, ang Island Garden City of Samal o IGACOS, nakatira ang isang ina na minsan lamang ay nangarap na magtamasa ng kaginhawaan sa buhay. Siya si Marybeth Belarmino Creta, 48 anyos at may anim na mga anak.
Maaga na nag-asawa si Marybeth dahil na rin sa hindi na siya nakapag-aral. Masasabi niyang lumaki sila na hindi naiintindahan ang importansya ng edukasyon. Kaya naman, siya din at ang kanyang asawa ay namuhay na payak at naghihirap. Ang pinagkukunan lamang nila ng kita ang pagmamaneho ng kanyang mister sa isang pumpboat sa Brgy. Caliclic. ‘Di niya lubos maisip kung papaano siya makatutulong sa kanyang pamilya dahil nga ay sunud-sunod rin siyang nabuntis at nanganak sa mga taong 1997, 1998, 2000, 2002, 2008 at 2011.
Sa mga panahong iyon, mangiyak ngiyak rin siyang nag-iisip kung papano mapapag-aral ang mga ito. Nabubuhay na lang sila sa kakarampot na kita, at nakikituloy sa mga kakilala dahil wala rin silang bahay magpamilya. Masasabing isang kahig, isang tuka. Ito ang naging buhay nila sa araw-araw.
Ngunit nagbago ang lahat ng ito nang dumating sa buhay nila ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
“Taong 2009, kakapanganak ko pa lang noon sa panglima, may nag-interview sa amin. Nalaman ko na yun pala ay para sa programa na 4Ps. Hindi ko naman masyadong inisip kung magiging benepisyaryo ba kami o hindi, basta kitang kita nila kung gaano kami kahirap at naghihirap,” kwento ni Marybeth.
Paglipas ng sobra tatlong taon, taong 2011, nanganak ulit si Marybeth sa bunso niyang anak. At ilang buwan pa lang siyang nanganak, nabalitaan na lamang niya na isa siya sa makatatanggap ng cash grant sa payout ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa kanilang isla. Dali-dali siyang nagtungo sa barangay, bitbit ang kakapanganak na sanggol. ‘Di niya ininda ang kung anumang pakiramdam ang mayroon siya nang mga panahon na iyon dahil para sa kanya, napakagandang balita ng naturang programa.
“Mamula-mula pa yung anak ko nun. Ako pa ang pinaka-unang dumating sa payout. Kaya pagkatanggap ko ng pera, inisip ko talaga ‘hinding hindi ko sasayangin ang oportunidad na ito. Para ito sa kinabukasan ng mga anak ko. Siyempre, noon pa may alangan na ako kung kaya ko ba silang papag-aralin, kasi Do-re-mi sila magkakapatid. Mali rin naming kung bakit ‘di naming inisip na maghihirap kami ng sobra kapag magkakaanak ng marami,” ayon kay Marybeth.
Naging masinop na benepisyaryo si Marybeth at naging aktibo sa kanilang komunidad, kaya naman ginawa rin siyang Parent Leader ng kanyang mga kasamahang benepisyaryo. Para sa kanya malaking tulong sa paglinang niya sa kanyang leadership skills ang pagbibisita ng mga 4Ps workers pati na rin ang mga training at ang Family Development Sessions.
“Itong mga 4Ps workers, isa rin talaga sila sa naging daan bakit iba yung pananaw ko sa buhay. Positibong positibo at aktibo ako dahil sa kanilang paggagabay at mga paunawa. Napakasigasig at sisipag ng mga 4Ps workers, bilib na bilib talaga ako sa kanila. At siyempre yung programa, ‘di lang puro cash grants, pangmatagalang kaalaman na magagamit talaga sa pang-araw-araw at sa pamilya yung benepisyo nito,” dagdag na kwento ni Marybeth.
Taong 2018, grumadweyt ang panganay na anak ni Marybeth na si Jessabeth sa kolehiyo sa kurso na Bachelor of Education, Major in Biology sa Davao del Norte State College (DNSC) sa Panabo City, Davao del Norte. Aniya, naging posible ang pag-aaral ng anak dahil bilang monitored child, isa siya sa nabigyan ng oportunidad na makapag-avail ng ESGPPA o iskolarsyip sa panahong iyon. At dahil nakatuon ito sa pag-aaral, consistent Dean’s Lister ito at nagtapos na Magna Cumlaude. Naaalala pa niya na sa graduation ceremony ng anak ay personal siya na binati ng mga opisyal ng magkakaibang ahensya ng gobyerno. Abot langit ang saya at bilib niya sa kagalingan ng kanyang anak. ‘Di lang rin dun nahinto dahil, pumasa pa sa LET board exam ito.
Sa ngayon, nagtuturo na sa Nieves Villarica National High School sa kanilang lugar ang naturang panganay.
Ang pangalawa naman niyang anak na si Novy, isa namang CHED scholar dahil sa Pantawid Pamilya. Nag-aral ito sa University of Mindanao Peñaplata, IGACOS sa kursong Bachelor of Education Major in Elementary Education. Nagtapos din naman na Magna Cumlaude, at pumasa rin sa LET board examination. Sa kasalukuyan, Information Officer na ito sa lokal na pamahalaan ng IGACOS.
Ang pangatlo naman niyang anak na si Julie Ann, nagtapos na rin noong taong 2021 sa University of Southeastern Philippines (USEP) sa Davao City sa kursong Bachelor of Physical Education. Isa ring CHED scholar si Julie Ann dahil naging prayoridad siya bilang isa siyang 4Ps beneficiary.
At sa pangatlong pagkakataon, Magna Cumlaude ding nagtapos si Julie Ann. Habang naghihintay sa LET ngayong taon, kasalukuyan itong nagtatrabaho sa CENRO ng IGACOS LGU.
“Itong mga anak ko, kung saan-saan napupunta para sa pag-aaral kasi tinitingnan naming saan yung gusto nila na kurso at kung may available scholarship doon. Silang lahat scholar, pati na rin itong pang-apat na si Nikki na nag-aaral sa SICC ng BS Criminology na nasa 3rd year college na, scholar din siya rito sa LGU. Yung pang-lima na si Bench Trixie ko consistent honor student din sa high school at ang bunso na si James ay nasa elementary pa na honor din. Masigasig talaga sila mag-aral dahil binibigay ko ang wastong probisyon sa kanila dahil sa tulong ng 4Ps. Mula sa bayarin sa eskwela, uniporme, mga gamit nila at wastong pagkain. ‘At kahit naman nagkakasakit meron pa ring ambag ang programa. Dahil yan lahat sa 4Ps,” ang nagging masayang kwento ni Marybeth.
Masayang masaya silang mag-asawa sa lahat ng tagumpay ng kanilang mga anak. Siniguro nila na mapupunta talaga sa edukasyon ng mga bata ang natatanggap nila sa 4Ps. At ito ang nagging punla upang sumibol at ngayon ay umaani na sila ng kaginhawaan sa buhay.
“Ngayong graduate na kami dito sa programa, hindi ko naramdaman ang kalungkutan, bagkus, masaya ako dahil alam ko sa pag-alis ko may bagong pamilya naman ang babaguhin ang buhay ng Pantawid Pamilya. Alam ko gaano kahirap ang maging mahirap, kaya masaya ako na ang mga kagaya ko sila na rin ang makaka-ahon sa kahirapan. ‘Di ko na kailangan ang tulong ng 4Ps, dahil kaya na naming tumayo at mamuhay ng masagan. ‘Di rin naman dahil magpapabuhay ako sa mga anak ko. Dahil sa totoo lang ‘di yan dapat ang intension bakit tayo naghihirap na mapag-aral sila. Kasi ang inisip naming ito lang ang maiiwan naming kayamanan sa kanila at ‘di nila kailanman mararanasan ang naging buhay naming noon,” sabi ni Marybeth nang siya’y nagbahagi ng kanyang kwento sa ginanap na Breakthrough 2023: The 4Ps Exit and Graduation Ceremony sa IGACOS noong Marso.
Hinimok naman ni Marybeth ang mga kapwa graduates na maging aktibo sa ibang programa, proyekto at serbisyo ng ibang mga opisina kagaya ng LGU ngayong graduate na sila sa 4Ps. At nagging mensahe rin niya sa mga benepisyaryo pa na huwag sayangin ang pagkakataon dahil ‘di lahat ay nagiging benepisyaryo at ‘di lahat ay nakatatanggap ng tulong nang kagaya nitong 4Ps. Magsikap at papag-aralin talaga ang mga bata, dahil balang araw magiging matagumpay rin sila.
Kampante rin si Marybeth na kahit graduate na siya sa programa, mananatiling self-sufficient ang kanilang pamumuhay dahil na rin sa pangkabuhayan na nakuha niya at ng kanyang mga kasamahan. Nagbigay daan ang 4Ps upang isa si Marybeth at ang kanyang grupo na makakuha ng SLP Capital Funds. Ang kanilang asosasyon ay nakatanggap ng Php450,000.00 Nagtayo sila ng malaking tindahan sa isla, at nakabili pa ng isang multicab o sasakyan para sa negosyo. May malaking ipon na rin sila sa bangko. Aniya, ‘di nga forever ang 4Ps, pero nagging tulay ito sa napakaraming oportunidad, kaalaman at magagandang karanasan kaya naman guminhawa ang kanilang buhay sa isla.
“Napakalaki ng aking pasasalamat sa Diyos dahil biyaya niya ang implementasyon nitong Pantawid Pamilya. Maraming salamat rin sa DSWD at lalong lalo na sa lahat ng manggagawa nito dahil tunay nga kayong mga anghel. Kayo ang Liwanag at pag-asa naming mga mahihirap. Nagbago ang aming mga buhay, pati na rin ang aming mga pagkatao dahil sa inyong kasipagan at paglilingkod nga mataimtiman. Mabuhay kayo! Mabuhay ang 4Ps!,” pagtatapos ni Marybeth sa kanyang mensahe para sa programa.
#BawatBuhayMahalagaSaDSWD