Wala pang pandemya ay hindi na naging madali ang buhay para sa pamilya ni Arazel Bodyong, isang asawa at ina mula sa Brgy. Calian, Don Marcelino, Probinsya ng Davao Occidental. Bata pa lamang siya ay kinamulatan na niya ang hirap ng buhay. Ang tanging ikinabubuhay ng kanyang pamilya na siya ring kinalakihan niya ay ang panghuhuli at paglalako ng isda sa mga karatig barangay.
Ngayon, kasama ang kanyang asawa na si Raymar, ay patuloy sila sa pagsisikap na maiahon ang kanilang pamilya sa bagay na kanilang kinasanayan, ang pagbebenta ng isda. Naging maayos naman ang kanilang pagsasama, sa hirap at ginhawa man ay katuwang nila ang isa’t isa sa bawat hamon ng buhay, lalung lalo na sa paglalako ng isda sa mga karatig na bayan. Pero naging maselan ang pagbubuntis ni Arazel noong 2016, kaya’t mag-isang itinaguyod ni Raymar ang kanyang pamilya.
Maliban sa sitwasyon ni Arazel, ay samu’t saring problema rin ang dumating sa kanilang pamilya, katulad ng pagkawala ng kanyang pinsan gamit ang kanilang bangkang pangisda dahil sa sama ng panahon. Naibalik man ang kanilang bangka na natagpuan sa Davao Oriental, sa kasamaang palad ay natagpuang wala nang buhay ang kanyang pinsan matapos ang tatlong linggo.
Kaya naman ipinangako ni Arazel sa kanyang sarili na gagawin niya ang lahat upang maging maginhawa ang kanilang pamumuhay. Bumalik sa dating gawi ang mag-asawa, ilang buwan pagkatapos nitong makapanganak. Walang pagod sa paglalako at pagbebenta upang masiguro lang na hindi maghirap ang kanilang pamilya.
Akala ng mag-asawa ay wala na silang problema na haharapin, ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, ay muling nalubog sa hirap sina Arazel dahil sa epekto ng COVID-19 noong 2020. Sa paghihigpit ng kanilang bayan, ay wala na silang mapagkukunan ng kita para sa kanilang pangangailangan. Umaasa na lamang sila sa tulong ng lokal na pamahalaan.
Kaya malaki ang pasasalamat ng mag-asawa sa tulong na ibinigay ng gobyerno sa kanila sa pamamagitan ng DSWD – Sustainable Livelihood Program o SLP na Livelihood Assistance Grant o LAG. Layunin ng programang ito na ma-ibalik ang mga naapektuhan na hanapbuhay mula sa impormal na sektor na lubos na naapektuhan sa pagpapairal ng community quarantine. Nakatanggap ang mag-asawa ng P15,000 na tulong-kapital upang maibalik ang kanilang hanapbuhay. Masaya si Arazel na kahit sa gitna ng pandemya ay nakamit niya ang ipinangakong ginhawa sa kanyang sarili para sa kanyang pamilya.
Sa ngayon, ay hindi bababa sa 200 kilos ang araw-araw na inaangkat ng mag asawa. nakakatulong na rin sila sa halos 30 kapamilyang pinagkukunan nila ng mga isda. Naipa-ayos ang kanilang bahay, at nakabili na rin sila ng multicab para sa kanilang negosyo.
Tulad mag asawang Arazel at Raymar, kaagapay ninyo DSWD, Sustainable Livelihood Program sa pagbangon ng pamilyang pilipino sa gitna ng hamong hatid pandemya.