“Naging advantage po talaga sa akin bilang isang 4Ps beneficiary dahil po naging iskolar po akong CHED UniFAST. Dahil dito natustusan ang aking pag-aaral hanggang sa nakatapos ako sa kolehiyo. Nagtapos po ako last year bilang Magna Cumlaude mula sa Davao Oriental State University- Cateel Extension Campus. At ngayon nga ay nasungkit ko ang maging topnotcher sa lumabas na resulta ng LET May 2024 Results bilang Top 1 sa Elementary Education.”

Ito ang naging paunang mensahe ni Ms. Khane Cervantes, LPT na ibinahagi niya sa DSWD Field Office XI. Aniya, parang panaganip lang raw ang lahat, minsan nga ay natakot pa siyang matulog at baka paggising niya mawala ang pangalan niya bilang Top 1 sa naturang board examination. Ngunit ang lahat ng ito ay dahan-dahan na rin niya’ng naintindihan at kung bakit nakamit na niya ngayon ang iilan sa kanyang mga naging pangarap lang noong una.

“I don’t really patronize or glorify stories about rags to riches na mga kwento. Yung parang masyadong cliche na patungkol as to how they achieve their dreams. Pero ngayon sa lahat ng nangyari sa buhay ko, totoo pala. DREAMS do come TRUE. Hardwork always pays off. My manifestation, the dreaming plus the efforts and dedication, lahat nagbunga. Dati kahirapan lang talaga ang naging motibasyon ko, kasi wala naman talagang taong gustong manatili bilang mahirap. Sobrang hirap kasi talaga namin noon, lalo pa nung wala pa ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program.”

Pang-siyam sa sampung magkakapatid si Khane. Nakatira sila sa Purok Madre De Cacao, Brgy. Poblacion, Cateel, Davao Oriental. Nagmula sila sa Tribung Mandaya. Pagsasaka sa isang palayan ang pinagkakakitaan ng kanyang ama. Ang naturang palayan ay hindi rin naman sa kanila kaya konti lang ang naisasantabi ng Tatay niya na si Joventino Cervantes. Dagdag na kwento ni Khane, naaalala pa niya, lalo pa nung bata siya, nagbibilang na ang tatay niya kung ilang sako na lang ng palay ang maiiwan sa kanila sa susunod na taon. Nababaon na rin sila sa utang dahil sa dami nilang magkakapatid.

“As a big family, there are lots of pros and cons. Totoo, masaya kami magkakasama kasi marami, hindi boring. Tapos yung gawain sa bahay magaan na lang dahil marami kaming naghahati-hati. Ngunit, sobrang hirap naman sa pagdating sa pinansyal na aspeto. Si Tatay pinagkakasya na lang anong kaya kasi katiwala lang rin siya ng palayan. Si Nanay Rogelia nag-aalaga lang ng kung anu-anong hayop, tig-iisang baboy at iba pang pwedeng mapagkakitaan sa barangay. It was a struggle. Nahihiya nga ako humingi sa kanila kasi kitang kita ko gaano kami naghihirap. Kaya madaming beses ako nali-late sa pagsasubmit ng projects at ibang gawain sa eskwela.”

Pero ang lahat ng kahirapang ito ay unti-unting nabago sa taong 2014 nang naging 4Ps household beneficiaries na ang magpamilyang Cervantes. Dalawang taon ito mula nang sinapit naman nila ang kahirapang dulot ng Bagyong Pablo sa taong 2012. Totally damaged ang kanilang bahay at mga pananim. Sa tulong ng pamahalaan at ng DSWD XI, nakasali si Khane bilang 4Ps monitored child. At pagkatapos naman niya ng high school ay naging CHED-UniFAST TES scholar naman siya at kumuha ng kanyang naging kurso.

“Naging prayoridad talaga ng scholarship na yun ang naitala sa Listahanan at sa Pantawid Pamilya lalo na kaming nagmula sa low-income na households. Libre rin ang tertiary education sa State University kaya sobrang laking tulong ng pamahalaan upang mabago ang buhay namin, lalo na ako sa pagkamit ng aking mga pangarap. Sa TES, may natatanggap ako kada taon na Php40,000. Nakakatulong rin ito sa aming pamilya.”

Naging empowered din ang nanay ni Khane dahil sa 4Ps dulot ng Family Development Sessions, at naging bahagi rin siya sa Sustainable Livelihood Program Association ng kanilang grupo na 4Ps grantees. Bagama’t ang iilan sa mga anak niya ay nagsipagtapos na rin at may sari-sariling pamilya, patuloy pa ring nasusuportahan siya ng programa dahil na rin sa may sakit ang Tatay at may mga bata pa sa kanilang sambahayang nag-aaral.

Si Khane ay patuloy na rin sa kanyang pag-angat, dahil magkakaroon rin siya ng mas maraming oportunidad dahil sa kanyang mga tagumpay.

“Ang mensahe ko sa lahat ng Kabataang 4Ps o kahit sa mga Kabataang nag-aaral lalo na sa nagmula sa mahihirap na pamilya, I know how it feels. Minsan naiisip mo na imposible. Minsan you think you deserve better at kung bakit kasali ka sa mga naghihirap. Ngayon I attest, everything will work out. Don’t lose hope. Mahirap sa ngayon, sometimes you feel you’re stucked. BUT, I assure you, same as me, ALL DREAMS DO COME TRUE. Work on it. Manifest mo ito, ipagdasal at paghirapan. Sabayan mo ng action lahat. Magsikap, Magmanifest dagdagan ng action o kasipagan, YOU WILL GET THERE.”

#BawatBuhayMahalagaSaDSWD