
Nanawagan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office XI katuwang ang Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa publiko na maging mapagmatyag laban sa Online Sexual Abuse or Exploitation of Children at Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (OSAEC-CSAEM). Ginawa ang panawagan sa isinagawang Kapehan sa Dabaw noong Hunyo 9, 2025 sa SM City Davao, Ecoland, Davao City.
Personal na dumalo sa aktibidad sina IACAT Chairperson Atty. Janet Grace Dalisay mula sa Department of Justice, Gemma D. Dela Cruz, OIC Assistant Regional Director for Operations ng DSWD XI, at si Gladys A. Credo, Lead Secretariat para sa IACAT-VAWC.
Binigyang-diin ng mga opisyal ang matinding pangangailangan para sa mas malawak na kaalaman ng komunidad at mas matatag na ugnayan ng mga ahensya ng gobyerno upang labanan ang lumalalang banta ng pang-aabuso sa mga bata, lalo na sa digital world.
Ang panawagang ito ay kasunod ng isang matagumpay na rescue operation sa Lupon, Davao Oriental kung saan nasagip ang ilang kabataang sangkot sa isang kaso ng OSAEC-CSAEM. Ipinakita ng insidenteng ito ang kahalagahan ng adbokasiya sa barangay at ang mahalagang papel ng mga lokal na komunidad sa maagap na pag-uulat at pagpigil sa ganitong uri ng krimen.
Ayon kay Ms. Credo, “Gina-awhag namo ang mga komunidad, labi na ang mga ginikanan, nga bantayan ang mga online na aktibidad sa ilang mga anak. Kung adunay mga ilhanan nga kahina-hinala sa inyong palibot, ayaw kamo kahadlok nga magreport sa IACAT hotlines. Ang inyong aksyon, makaluwas og bata nga posibleng mabiktima sa OSAEC ug CSAEM.”
Dagdag pa niya, “Dili nato kini tan-awon nga usa ka victim-less crime kay tungod lang wala’y physical nga kontak o kadaot. Dako kaayo ni nga isyu. Bisan pa og nagdula lang sa online, naa na’y mga duwa karon nga nagpakita og mga malisyosong materyales. Busa ginahangyo namo ang mga ginikanan nga motutok gyud sa ilang mga anak.”
Bukas ang DSWD XI, Lunes hanggang Biyernes, mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon, para tumanggap ng mga ulat tungkol sa trafficking, OSAEC, at iba pang kaugnay na isyu.
Bilang miyembro ng IACAT, patuloy ang DSWD XI sa pakikipagtulungan sa mga kapulisan at lokal na partners upang protektahan ang mga bata mula sa anumang uri ng pang-aabuso. Ang IACAT ang pangunahing sangay ng pamahalaan na nagkokoordina at nagmomonitor sa pagpapatupad ng mga polisiya at programa laban sa human trafficking, kabilang na ang OSAEC-CSAEM—isang karumal-dumal na uri ng pang-aabuso na karaniwang nangyayari sa likod ng mga saradong pinto at sa mga digital platforms.