Upang masiguro na matutugunan ang mga pangangailangan ng mga mamamayan sa panahon ng pandaigdigang krisis dulot ng pandemya, ang pambansang pamahalaan ay nagpatupad ng Social Amelioration Program (SAP). Ito ay nahahati sa dalawang bahagi- ang Relief at and Recovery. Bawat ahensya ng pamahalaan ay inatasan na tukuyin at ipatupad ang kanilang mga programa at serbisyo sa dalawang bahagi ng SAP para natukoy na 18 milyong pamilyang benepisyaryo.
Sa bahagi ng relief, ang ayudang ipinamamahagi ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ay nakalaan para tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga pamilya at indibidwal na lubhang naapektuhan ng malawakang implementasyon ng community quarantine. Sinisiguro nito na ang mga sektor ay may matibay at sapat na suporta upang sila ay makapag-adjust sa kasalukuyang sitwasyon. Ilan sa mga programang kabilang dito ay ang Emergency Subsidy Program (ESP), pagbibigay ng Food and non-Food Items, COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers Barangay Ko, Bahay Ko Disinfection/Sanitation Project (TUPAD #BKBK), alternatibong setup ng pagtatrabaho, price freeze atbp. Ilan sa mga programang ito ay natapos na maliban sa Emergency Subsidy Program (ESP) na ipinatutupad ng DSWD hanggang sa kasalukuyan.
Sa ikalawang bahagi naman o Recovery Phase, ang mga programa at serbisyo ay naglalayon na tulungang makapagsimula ulit at makabangon ang mga pamilya at indibidwal na benepisyaryo ng SAP sa pamamagitan ng pag-alalay sa kanilang kabuhayan. Ang mga programa at serbisyong kabilang dito ay para naman sa mga maliliit na negosyo, at sa suporta para sa mga magsasaka at mangingisda.
Ang kabuuang disenyo ng SAP ay batay sa karapatan at kapakanan ng bawat sektor nang may layunin na tulungan ang mga apektadong pamilya na malampasan ang kinakaharap na krisis.
Sa pagpapatuloy ng ikalawang bugso ng pagbibigay ng ayuda para sa relief phase ng SAP, karagdagang limang milyong pamilya pa ang isinama bilang benepisyaryo ng nasabing programa. Patuloy na pinagbubuti ng mga ahensya ng pamahalaan ang kani-kanilang mga proseso upang matiyak na ang inilalaang ayuda ay angkop, sapat at patas.
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan lamang sa DSWD. ###